Nanawagan sa publiko sa pamamagitan ng kanyang Facebook account si Governor Jose Riano na huwag maniniwala at maglalabas ng Fake News tungkol sa Covid-19 status ng probinsya.
Kasunod ito ng kumakalat na mga posts at chain messages na di umano ay may nadagdag sa bilang ng mga nagpositibo sa coronavirus disease 2019 sa probinsya maliban sa pang-35 kaso ng lalawigan.
“Pinaaalalahan din natin ang lahat na makipag cooperate at huwag mag labas ng mga fake news tungkol sa covid 19 status dito sa probinsiya. May kaukulang parusa ito ayon sa batas,” ayon sa Gobernador.
Batay sa kanilang tala kahapon, nanatiling isa ang aktibong kaso ng Covid-19 sa lalawigan, at ito ay sa bayan ng Romblon, Romblon.
“Kasalukuyang ginagawa ang contact tracing at swab test para malaman kung meron pang ibang positive case ng covid 19,” ayon sa Gobernador.
Pinayuhan rin ng Gobernador ang lahat na manatili muna sa kanilang mga bahay kung walang mahalagang gagawin sa labas.
Mag-obserba rin umano ng mga health protocols na pinatutupad ng iba’t ibang lokal na pamahalaan lalo na ang pagsusuot ng face masks, face shield, paghuhugas ng kamay, at pagobersba ng social distancing.