Pormal nang ipinakilala ng Department of Labor and Employment (DOLE) Mimaropa si Atty. Joffrey M. Suyao bilang bagong talagang Regional Director.
Si RD Suyao ay nagsilbi rin sa parehong posisyon ng DOLE Region X mula Marso 27, 2017 hanggang Nobyembre 5, 2020.
Nagsimula si RD Atty. Suyao ng kanyang karera sa ahensya bilang Attorney III ng Legal Service at kalauna’y umangat bilang Attorney IV taong 2002 hanggang 2003. Taong 2003 hanggang 2008 si RD Suyao ay naging Mediator –Arbiter rin sa Bureau of Labor Relations bago hinirang bilang Assistant Regional Director at itinalaga sa DOLE National Capital Region (NCR). Noong 2011 nang italaga si Atty. Suyao bilang RD ng DOLE Regional Office XI – Davao Region.
Sa kanyang paglilingkod sa publiko, kinilala siya ng Career Executive Service Board bilang ‘Career Executive Service Very Innovative Person (CES-VIP)’ noong 2006.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni RD Suyao, “pinakamahalaga na makapaghatid kami ng dekalidad na serbisyo sa publiko bilang nanumpa kaming maglingkod nang may pinakamataas na responsibilidad, integridad, katapatan at kahusayan. Salamat sa inyong pagpapakita ng buong suporta. Inaasahan kong magkakaroon tayo ng mahusay, kasiya-siya, produktibo at mabungang paglalakbay dito sa Mimaropa”.
Samantala, si outgoing RD Albert E. Gutib ay inilipat upang pangunahan ang DOLE Region X kung saan siya ay naglingkod bilang Assistant Regional Director mula taong 2015 hanggang 2016.
Sa bisa ng Administrative Order 110-D, Series of 2020 na nilagdaan ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III noong ika-5 ng Nobyembre, itinakda ang re-assignment ng dalawang regional directors. (Lisabelle Carpio/PIA-Mimaropa)