Simula ngayong Sabado, November 28, ay isasailalim sa total lockdown ang pitong Barangay sa bayan ng Romblon, Romblon upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa lugar.
Ayon sa desisyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ng Romblon ngayong Biyernes, ang mga barangay na isasailaim sa lockdown hanggang December 8 ay ang Barangay I, II, III, IV, Bagacay, Capaclan, at Cajimos.
Dahil dito, bawal muna ang religious gatherings sa mga nabanggit na lugar habang 30% naman ng kapasidad ng mga simbahan ang papayagan sa iba pang barangay na hindi naka-lockdown.
Tanging mga essential services lamang ang papayagang mag-operate sa mga nabanggit na barangay katulad ng tindahan ng mga pagkain at bangko
Suspended rin muna ang public transporation sa mga nabanggit na lugar at bawal rin muna ang constructions.
Magpapatupad rin ng liquor ban sa mga nabanggit na barangay.
Batay sa tala ng Romblon Rural Health Unit noong November 26, aabot na sa 23 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa bayan.