Umakyat na sa 44 ang bilang ng naitalang kaso ng Covid-19 sa probinsya ng Romblon, kung saan 9 ang aktibong kaso, matapos mag positibo ang tatlong close-contact ng nasawing Covid-19 patient sa bayan ng Romblon, Romblon.
Ayon sa Center for Health Development – Mimaropa, ang mga bagong kaso ay isang 20-taong gulang na lalaki, 12 anyos na babae, at 40 taong gulang na lalaki.
Dahil sa panibagong mga kaso, nagsagawa muli ang lokal na pamahalaan ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng tatlo habang ang ibang close-contact ng mga naunang Covid-19 patients ay dinala na sa mga isolation facility.
Samantala, negatibo naman ang RT-PCR test result ng 15 na close-contact ni Romblon Covid-19 patient #35, ayon sa pahayag na inilabas ng Romblon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Ang 15 ay nakalabas na ng Agnay Elementary School at nakauwi na sa kanilang mga bahay kung saan nila ipagpapatuloy ang kanilang 14-days quarantine period.
Sa taya ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU), sa 44 na kaso 34 ang gumaling na at 1 naman ang nasawi. Ang mga atkibong kaso ay matatagpuan sa bayan ng Odiongan at Romblon.