Sampu (10) katao kabilang ang pitong (7) frontliner mula sa Romblon District Hospital ang nadagdag sa talaan ng mga tinamaan ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bayan ng Romblon, Romblon, batay sa inalabas na anunsyo ng Romblon Rural Health Unit ngayong Huwebes, November 26.
Ayon sa Romblon RHU, ang 2 pa sa tinamaan ng Covid-19 ay residente ng Bagacay habang ang isa naman ay residente ng Barangay 3.
“Lahat ng mga nagpositibo ay nakaisolate na simula pa noong kinuhaan sila ng specimen,” ayon sa Romblon RHU.
Dahil dito, umakyat na sa 23 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa bayan ng Romblon, Romblon at tig-isa (1) naman ay nasa bayan ng San Fernando at Alcantara.
Sa ngayon ay ginagawa na ang contact tracing para matukoy ang mga close contacts ng 10.
Muling iginiit naman ng Romblon RHU sa publiko na huwag munang lalabas ng mga bahay kung hindi kinakailangan, maging maingat sa sarili, ugaliing magsuot ng face mask, panatilihin ang social distancing ng 1 metro ang layo sa ibang tao at laging maghugas ng kamay.
“Hinihingi namin sa publiko na maging mahinahon at panatilihing malusog ang pangangatawan. Mag ingat po ang lahat,” ayon sa kanilang pahayag.