Sa mga bansa dito sa Asya, ang Pilipinas at Vietnam mga tropapips ang parang mga manlalaro sa karera na laging pinaghahambing pagdating sa lagay ng ekonomiya. Ang malungkot, natatalo raw tayo sa pag-arangkada.
Pero bago ‘yan, may kurimaw tayong taga-Maynila na walang pambili ng cellphone o tablet ang naghihimutok para sa kaniyang anak na nag-aaral sa elementarya at gumagamit ng “modules” bilang paraan ng distance learning ngayong panahon ng pandemic.
Simple lang naman kung bakit learning modules ang pinili nila, para hindi na madagdagan ang gastos sa pagbili ng cellphone o tablet, at hindi na madagdagan ang gastos sa internet data.
Ang kaso, kahit naka-modules daw ang kaniyang anak, kailangan pa rin daw ng anak niyang mag-internet dahil may mga turo sa printed materials na kailangang hanapin sa internet. Kaya ang resulta, napilitan siyang manghiram sa kaibigan ng lumang smart phone na puwedeng kabitan ng internet.
Tanong niya, nasaan kaya ang mga nababalitaan nilang mga tablet na ipinamimigay ng lokal na pamahalaan at maging ng DepEd para sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan? Hindi raw kaya naha-hijack ng ilang mga kolokoy na kapitan ng barangay o sa eskwelahan o sa DepEd?
Nagtataka kasi ang kurimaw natin dahil may ipinamimigay na SIM card gayung wala namang kasamang gadget na paglalagyan ng SIM dahil nga modules ang pinili nilang paraan ng pag-aaral ng bata. Aba’y para saan nga naman ang ipinamigay na SIM card? May kasama kaya ‘yung gadget pero sa iba napunta?
Dating iniulat na magkakaroon ang DepEd ng mahigit isang milyong tablets, laptops at computers para sa mga mag-aaral at guro para sa blended education system. Kung namimigay din ang mga lokal na opisyal, aba’y wala na sigurong mag-aaral ang namomroblema dapat sa gadgets.
Samantala mga tropapips, sa pagtaya ng International Monetary Fund (IMF), inaasahan nila na mas magiging mayaman na ang Vietnam kaysa sa Pilipinas sa pagtatapos ng 2020 dahil sa mas lumalago ang ekonomiya ng una.
Sa nakalipas na mga taon, naging steady raw ang mas mataas na pag-angat ekonomiya ng Vietnam kaysa sa Pilipinas. Ang populasyon ng dalawang bansa, halos hindi rin nagkakaiba. At ang matindi pa, mas mahusay ang pagtugon ng Vietnam sa COVID-19 cases nila kaya mas maayos din ang lagay ng kanilang ekonomiya kahit may pandemic.
Sa Pilipinas, umabot na sa mahigit 360,000 ang COVID-19 cases at mahigit 6,000 na ang nasawi. Samantalang sa Vietnam, mahigit 1,000 lamang, at ang bilang ng mga nasawi ay 35 lang. Ibig sabihin nito, mas mabilis silang makapagbubukas ng kanilang ekonomiya, at marahil, mas maliit ang ginastos sa pagresponde sa pandemic.
Mas maganda rin daw ang alok ng Vietnam sa mga dayuhan para mamuhunan sa kanila. Ang mga nag-aalisang kompanya nga ng Japan sa China, mas pinipiling lumipat sa Vietnam kaysa sa Pilipinas. Mas mura daw kasi ang mga gastusin doon at mas maayos din ang trapiko kaysa dito sa atin.
Aba’y napakahusay naman ng Vietnam dahil dating dapang-dapa ang ekonomiya nila bunga ng matagal na panahon na mayroon sa kanilang digmaan. Hindi ba’t ngayon eh kasama na rin sila sa pinag-aangkatan natin ng bigas? Ibig sabihin, mas mahusay rin ang kanilang sektor ng agrikultura.
Pero sa halip na panghinaan ng loob, aba’y dapat ma-challenge dito ang mga economic managers natin para mag-isip ng paraan kung papaano makaka-remate este abante sa susunod na taon para makabawi at nang hindi tayo mapag-iwanan nang tuluyan.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)