Sa takbo mga tropapips ng mala-teleseryeng kabanata sa Kamara de Representantes, lumalaki ang palatandaan na walang balak si Speaker Alan Peter Cayetano na sundin ang gentleman’s agreement nila ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco na paghahatian ang termino bilang lider ng mga kongresista.
Sa nakaraang mga “episode” ng Kamaraserye, aba’y parang nilagyan ni Cayetano ng pandikit ang upuan ng Speaker para idikit doon ang kaniyang puwet habang parang tokong nakakapit sa hawakan nang hindi ito maagaw ni Velasco at mga karancho nito.
Ang ilan nating kurimaw na nagpustahan kung aalis o hindi sa puwesto si Cayetano, bumilib sa mga taktika ng pambato ng Taguig para manatili sa puwesto. Matapos kasing magdrama na nagbibitiw sa kaniyang puwesto [na sinayang ang isang araw na trabaho ng mga kongresista], ang sunod naman na ginawa eh biglang ipinasa sa second reading ang 2021 national budget bill, at ipinasuspindi pa ang sesyon hanggang sa November 16.
Kung tutuusin, makikitang taktika ang ginawa ni Cayetano at mga kaalyado niya nang magdrama siya magbibitiw kuno sa puwesto noong September 30 para paupuin na si Velasco. May nagmosyon na tutulan ang pagbibitiw at mahigit na 180 kongresista raw ang boto para sa mosyon kaya ‘di natuloy ang pagbibitiw.
Matapos nito, ang sinasabing mahigit 180 na boto ang ginagamit na palusot ng kampo ni Cayetano na mayorya raw ng mga kongresista ang ayaw kay Velasco. Ang naturang boto eh “fresh mandate” daw kay Cayetano kaya dedma na ang term sharing agreement kay Velasco. Bukod doon, “consumated” na raw o naipatupad na ang term sharing nang mag-alok si Cayetano na magbitiw para makaupo si Velasco pero tinanggihan ng mahigit 180 kongresista.
Ngunit kung susuriin, September 30 nang mangyari ang drama ni Cayetano, at bago nito eh napagkasunduan na nila ni Velasco sa harap pa man din ni President Mayor Digong Duterte na magaganap ang palitan nila ng puwesto sa October 14. Kaya naman may ibang kongresista na bumoto laban sa pagbibitiw ni Cayetano dahil may usapan na nga kung kailan siya dapat umalis sa puwesto.
Bukod doon, biglaan ang ginawa niyang drama. Aba’y kung ipinaalam niya kay Velasco ang plano niyang pagbibitiw, baka nagtungo si Velasco at ang tropa niya sa plenaryo para bumoto na ituloy ang pag-alis niya sa puwesto. Maliban doon, kasama sa mga bumoto na huwag siyang magbitiw eh mga kasapi ng Minority group, na kung liderato ang pag-uusapan ay hindi dapat “counted” ang boto dahil usapin ng Majority group ang speakership.
At para hindi na matuloy ang pagpapalit ng liderato sa Kamara sa Oktubre 14, mantakin mong ipinasuspindi na ni Cayetano ang sesyon hanggang Nobyembre 16. Ginawa niya ito kahit masakripisyo ang mahalagang 2021 national budget na hindi pa tapos ang deliberasyon ng mga kongresista sa plenaryo.
At para makontrol niya ang alokasyon sa pondo ng mga proyekto ng mga kongresista sa distrito, ipinasa ng mga tropa niya sa ikalawang pagbasa ang budget, at bumuo ng komite [na mga alalay niya ang nakaupo] kung saan doon na lang dadalhin ng mga kongresista ang mga hiling nilang proyekto.
Kaya ang mga kongresistang may nais na hingin na pabor para sa kaniyang distrito, aba’y magmamano muna sa mga alalay ni Cayetano. At malamang, kung sumusuporta ka kay Velasco, magdadalawang-isip ka na dahil proyekto ang nakasalalay dito. Lalo na kung balak mong tumakbong muling kongresista o sa ibang posisyon sa iyong nasasakupan dahil kailangan may maipakita ka sa mga kababayan mo.
Kung masusunod ang plano ni Cayetano, ipapasa nila sa Kamara sa ikatlong pagbasa ang 2021 budget sa Nov. 16 at saka ipadadala ang bersiyon sa Senado para talakayin naman ng mga senador. Kilalang mabusisi sa budget ang mga senador lalo na si Sen. Ping Lacson dahil sinisilip nito ang mga isinisingit na pork barrel fund ng mga kongresista. Kaya may pangamba na baka hindi maipasa ngayong taon ang 2021 budget.
Kaya kung magkakaroon man ng palitan ng liderato sa Kamara pagsapit ng Nov. 16, aba’y ayos na ang buto-buto ng pondo ng mga alipores ni Cayetano. At kung mapapasaya niya ang mga sumusuporta kay Velasco, baka magbaliktaran din ang mga iyon. Pero puwede rin namang isihan nila si Cayetano at ituloy ang pagpapalit ng liderato, at sa bicameral conference committee na lang nila silipin kung anuman ang pinaggagawa ng liderato ni Cayetano sa budget.
Pero gaya ng mga istorya sa totoong teleserye, baka magkaroon din ng “twist” sa Kamaraserye. Kahit ipinasuspindi ni Cayetano ang sesyon hanggang sa Nobyembre 16, aba’y abangan natin kung biglang magkaroon sesyon sa Kamara bago ang tunay na bakasyon nila dapat na Oct. 14. Papaano?
Kung magagawa ni Velasco na makapagpakita na katibayan tulad ng resolusyon o manepesto na pirmado ng mayorya [mahigit 150] ng 300 kongresista na nais na ipatupad ang term sharing agreement sa speakership. Abangan next week kung ano mangyayari sa special session pinatawag ni Duterte— masisibak ba si Cayetano o patuloy magkukunyapit bago ipagpatuloy ang budget deliberations.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)