Aabot sa 20 na pamilya na sa dalawang barangay sa bayan ng Magdiwang, Romblon ang inilakas na ng lokal na pamahalaan kaninang hapon dahil sa banta ng flashflood at landslide na posibleng dulot ng ulan na dala ng bagyong Quinta.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), aabot sa 20 na pamilya o 198 katao mula sa Barangay Poblacion at Barangay Tampayan ang inilikas.
Binigyan sila ng mga relief packs na magagamit nila habang nanatili sa evacuation center sa bayan.
Hanggang ngayon ay nagpapatuloy umano ang preemptive evacuation sa mga residente naman na nasa tabi ng dagat na posibleng maapektuhan naman ng storm surge.
Pinayuhan rin nila ang mga mangingisda na huwag muna pumalaot ngayong kasalukuyang nasa tropical cyclone wind signal #2 ang bayan.
Samantala, sinabi ng Magdiwang MDRRMO na binuksan na nila ang mga evacuation center ngayong araw sa iba’t ibang barangay upang kung sakaling may mga lilikas ay may mapupuntahan na agad ang mga ito.