Naitala sa bayan ng San Fernando ngayong araw ang panibagong kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa probinsya ng Romblon, ito ay matapos ang 29 na araw na walang naitatalang kaso sa probinsya.
Ito ay isang APOR o Authorized Person Outside Residence na dumating ng San Fernando sakay ng pumpboat na M/B Margielyn noong October 06 mula Roxas City, Capiz.
Nagkaroon umano ito ng ubo, sore throat at sakit sa katawan kaya agad na pinakunan ng swab test noong ika-8 ng Oktobre.
Ang resulta ng kanyang test na nagpositibo sa virus ay lumabas ngayong araw.
Ayon sa San Fernando Rural Health Unit, ang pasyente ay kasalukuyang naka-quarantine sa Day Care Center ng Barangay Poblacion.
Nagpapatuloy na rin umano ang isinasagawang contact tracing ng lokal na pamahalaan sa mga posibleng nakalamuha ng pasyente habang ito ay nasa biyahe.
Samantala, patuloy naman ang paalala ng gobyerno sa publiko na makiisa sa pagpapatupad ng minimum health protocols katulad ng pananatili sa bahay kung wala namang importante na gagawin sa labas, pagsusuot ng face mask, physical distancing at madalas na paghugas ng kamay.