Nakatakdang magsimula sa darating na October 26 ang gagawin ng Department of Health na malawakang pagbabakuna sa mga bata sa Romblon na wala pang edad limang (5) taong gulang kontra sa mga sakit na tigdas, polio at rubella.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA-Romblon nitong October 16, hinikayat ni Dr. Mathew Medrano, Medical Officer III at hepe ng Family Health Cluster ng DOH-Centers for Health Development (CHD) Mimaropa, ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak sa pinakamalapit na health centers.
Batay sa pinakahuling datus ng CHD-Mimaropa, aabot na sa 272 ang kaso ng tigdas sa rehiyon kung saan pinakamarami ay sa Palawan na may 161 kaso kung saan isa ang namatay; sinundan ng Oriental Mindoro na may 69; Occidental Mindoro na may 25; Romblon na may 10; at 7 naman sa Marinduque.
Bagama’t wala pang naitatalong kaso ng Polio at Rubella sa Mimaropa, sinabi ni Dr. Medrano na mas mainam umanong may mga bakuna na ang mga bata sa rehiyon para masigurong hindi kakalat ang mga nabanggit na sakit dito.
Target ng CHD-Mimaropa na mabakunahan ang 95% na mga bata edad 0-59 months sa buong rehiyon.
Sinabi rin ni Dr. Medrano na wala umanong dapat ikatakot ang mga magulang sa ituturok na gamot dahil ito ay pinag-aralang mabuti ng mga eksperto at matagal ng itinuturok sa mga bata.
Sinisiguro rin ni Dr. Medrano na magpapatupad ng natatakdang health protocols sa iba’t ibang healh centers sa rehiyon kung saan tutungo ang publiko.
Magtatagal ang vaccination program hanggang November 25.