Iyak ng mga batang takot sa turok ng karayom ang maririnig sa mga covered court ngayon sa Romblon.
Ito ay dahil sa pormal na paguumpisa noong Martes ng Measles, Rubella and Oral Poliomyelitis Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR-OPV SIA) ng Department of Health sa mga probinsya sa Mimaropa, kabilang ang lalawigan ng Romblon, kung saan babakunahan ang mga batang wala pang edad limang taong gulang kontra sa mga sakit na tigdas, polio at rubella.
Sinabi na noon ni Dr. Mathew Medrano, Medical Officer III at hepe ng Family Health Cluster ng DOH-Centers for Health Development (CHD) Mimaropa, maaring magtanong sa mga barangay health center o sa rural health unit kung kailan ang schedule ng pagbabakuna sa kanilang mga lugar at kung saan tutungo.
Wala umanong dapat katakutan sa turok dahil ito ay subok na ng Department of Health.
Pinapaalalahanan rin ang publiko na sumunod sa health protocols kung tutungo sa mga covered court o health center para magpabakuna.