Nakatakdang ipamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) – Mimaropa ang mahigit 18 ektaryang lupain sa dalawang probinsya sa rehiyon ngayong taon. Ito ang ibinahagi ni DAR-Mimaropa Information Officer Gefelyn Goleng sa ginanap na PIA-Mimaropa Virtual Presser nitong ika-2 ng Oktubre.
Aniya, sa target umano nila ngayong taon na 225 na ektarya, may 18.6 na ektarya na lamang umano rito ang hindi pa naipapamahagi at ito ay matatagpuan sa probinsya ng Romblon at Marinduque.
“Low-land na po tayo [rito sa Mimaropa], hindi na ganun karami ang ipapamahagi[-ng lupa]. Meron po tayong 225 hectares na tagert ngayong taon at ang natitira nalang na hindi pa naipapamahagi ay para sa Marinduque at Romblon. Pero maliit nalang ito, around 19 hectares na lang po,” pahayag ni Goleng.
Base sa datus ibinigay ng ahensya sa Philippine Information Agency – Romblon pagkatapos ng presser, aabot sa 1.4 na ektarya ang nakatakdang ipapamahagi sa Marinduque at aabot naman sa 17.2 hec sa Romblon.
Aniya, natukoy na ang mga posibleng benepisyaryo ng nasabing mga lupa na posibleng tatanggap ng hanggang tatlong (3) ektaryang lupain.
Sila ay pasok sa pamantayan na inilatag ng ahensya para maging agrarian reform beneficiary o ARB.
Batay sa implementing rules and regulations (IRR) ng Executive Order No. 75, Series of 2019, na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang mga benepisyaryo na pwede makatanggap ng lupa ay dapat isang magsasaka na walang lupain o di kaya ay may-ari ng agricultural land na hindi lalagpas sa 3 hectares; isang Filipino citizen; residente ng lugar kung saan ang lupa; 15 taong gulang nang matukoy ng DAR para sa screening process; at handang magsaka para sa nasabing lupa.