Nagdulot ng landslide sa Calatrava, Romblon ang ulang dala ng low-pressure area (LPA) na nasa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) at ang southwest monsoon.
Umaga palang ay hindi na madaanan ang kalsadang naapektuhan ng landslide sa bahagi ng Barangay San Roque sa nabanggit na bayan. Ayon sa mga residente sa lugar, gabi palang ay umuulan na rito at posibleng lumambot ang lupa dahil sa tubig.
Agad naman itong nalinis ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways matapos ang halos isang oras.
Ayon sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan ng Calatrava, wala naman umanong nasaktan sa nasabing pagguho ng lupa.
Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), magdudulot ang LPA at ang Southwest monsoon ng katamtaman hanggang sa malakas na thunderstorm sa probinsya ngayong araw.