Pormal nang binuksan ang klase para sa Panuruang Taon 2020-2021 noong Lunes, Oktubre 05, 2020.
Lihis sa mga nakasanayang gawain, ang pagbubukas ng klase sa taong ito ay sadyang naiiba dahil sa ating ikinahaharap na pandemya. Subalit, hindi naging hadlang ang krisis na ito upang maihatid ng ating mga guro ang dekalidad na edukasyon sa mga mag-aaral ng Romblon.
Kasabay ng pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Guro, naging abala din ang lahat sa pagpapatupad ng new normal education o ang tinatawag na distance learning. Matapos ang ilang buwang paghahanda, nagsimula nang isagawa ang iba’t-ibang pamamaraan ng pagtuturo sa bagong set-up ng edukasyon.
Modular Learning Instruction, Online Learning, and TV- Assisted Instruction ang mga pamamaraan ng pagtuturo na ipinapatupad ng DepEd Romblon.
Nagsimula ang unang araw ng klase sa isang Ceremonial Flag Raising Ceremony na ginanap sa Schools Division Office ng Romblon kung saan nakilahok ang mga manggagawa ng SDO Romblon. Pagkatapos ng kaganapang ito, nagsimula na ang tunay na laban— ang simula ng klase sa panahon ng pandemya.
Upang masiguro ang maayos at organisadong pagbubukas ng klase, nag ikot sa mga paaralan si SDS Maria Luisa D. Servando, PhD, CESO VI kasama ang ibang opisyal ng DepEd Romblon.
Pinuntahan ni SDS Servando ang mga paaralan sa Distrito ng Romblon upang makita ang kalagayan ng mga guro at estado ng pagmimigay ng modules sa mga mag-aaral. Kanya ring tiningnan ang kahandaan ng mga paaralan sa online instruction at sa kung paano nila ito isinasagawa. Natuwa ang SDS ng Romblon sa kadahilanang halos lahat ng paaralan sa distrito ay maayos na isinasagawa ang iba’t –ibang learning delivery modalities ng dibisyon.
“Malaki ang tiwala ko na kayang gawin ng mga guro ng Romblon ang makabagong paraan ng pagtuturo ngayong tayo ay may ikinahaharap na pandemya. Masaya rin ako sa suporta na ibinibigay ng ating mga local government units, ibang stakeholders, at lalong-lalo na sa suporta at tulong na binibigay ng mga magulang upang maipatupad at maging matagumpay ang pag-aaral ng ating mga kabataan. We may encounter problems along the way but we are sure that we can overcome this as long as we work together” Saad ni SDS Servando.
Samantala, nagsimula naring ipalabas ang mga locally-made instructional video materials at ang mga learning video materials na ipinagamit ng Knowledge Channel para sa TV-Based Instruction ng dibisyon.
Naglaan ng dalawang channels ang mga local cable operators upang maipalabas ang lahat ng video materials para sa lahat ng antas at upang maihatid ang lahat ng learning competencies sa lahat ng mag-aaral.
Upang masiguro na maayos na ipinatutupad ang ganitong paraan ng pag-aaral, nag-ikot at bumisita sina ASDS Rufino Foz at OIC-CID Chief Melchor Famorcan sa mga kabahayan sa distrito ng Romblon. Sila rin ay nagbibigay ng kaukulang tulong at gabay sa mga magulang upang kanilang lubos na magampanan ang pagiging parent-teacher sa kanilang mga anak. Kasabay nito ang pag-iikot at pagbisita ng ilang mga guro sa kani-kanilang mga mag-aaral na malapit sa kanilang lugar upang makita ang daloy ng new normal set-up sa pag-aaral.
Dagdag pa rito, ang DepEd Romblon ay bukas sa mga katanungan, suhestiyon at pagbibigay ng tulong sa mga guro, mag-aaral, stakeholders, at mga magulang. Kaya naman, kanila ding inilunsad ang Oplan Balik Eskwela Help Desk at Hotline na nag-aayong magbigay ng technical assistance sa pagbubukas ng klase at pagsasatupad ng distance learning.
Hindi madali ang naging paglalakbay ng DEPED Romblon upang makarating sa maayos na pagbubukas ng klase, pero ang kagawaran ay lubos na nasisiyahan sa kahandaan ng lahat ng paaralan, guro at mga magulang upang patuloy na maihatid ang dekalidad na edukasyon sa kabataan ng Romblon.