Nalubog sa baha ang ilang kabahayan sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos ang magdamagang ulan na dala ni bagyong Quinta.
Sa Barangay Bangon, may mahigit 10 mga bahay ang nalubog sa hanggang bewang na baha kaninang umaga, October 26. Sila itong mga nasa gilid ng Bungoy River sa nabanggit na Barangay.
Ilang kalsada at ilang bahay rin ang nalubog sa baha sa bayan. Ang ilang mga motorista, nahirapan tumawid dahil sa mataas na baha. Ang ilang motorsiklo, hinila nalang para lang makatawid sa kalsada na lubog sa baha.
Nalubog rin sa baha ang tatlong palaisdaan sa bayan ng Odiongan, Romblon sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Quinta sa probinsya ngayong umaga, October 26.
Naabutan pa ng news team ang mga trabahador ng isa sa mga paliisdaan na isinasalba ang ilang isdang bangus na sumabit sa kanilang lambat.
Ayon sa isa sa may-ari ng palaisdaan, malaki ang lugi nila dahil kakalagay palang nila ng mga fingerlings na bangus sa palisdaan.
Ang mga palayan naman sa Barangay Bangon sa pareho paring bayan, nagmistulag ilog matapos malubog ito sa baha dahil sa walang tigil na ulan.
Sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, may aabot sa 6 na pamilya o 19 na katao ang inilikas sa buong bayan sa pananalasa ng bagyo sa bayan. Nanatili sila sa mga evacuation centers sa mga barangay.