Isang binata sa bayan ng Odiongan ang naiulat na nawawala matapos tangayin ng agos ng ilog sa Barangay Tulay ang ginawa niya at ng kanyang mga kaibigan na improvised balsa na gawa sa puno ng saging.
Sa gitna ng pananalasa ng bagyong Quinta, naligo umano sa ilog ang 5 magkakaibigan at gumawa ng balsa at ginamit para tawirin ang ilog hanggang sa magdesisyon sila na umatras nalang ngunit naiwan sa balsa ang binata na kinilalang si Sherwin Familaran, 18 taong gulang, residente ng Barangay Tulay.
Sinubukan pa umanong iligtas ng kanyang mga kaibigan si Familaran ngunit bigo ang apat dahil sa malakas na agos ng ilog.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Odiongan, mahigit 30 minuto na matapos ang insidente bago dumating ang sumbong sa kanila kaya pahirapan sila sa pagsasagawa ng search and rescue operation sa nawawalang binata.
Nagpapahirap rin sa operation ang malakas na ulan, malakas na agos, at mataas na tubig sa ilog.
Samantala, ligtas naman ang dalawang kasama ni Familaran na sumakay ng balsa.
Paalala ng lokal na pamahalaan ng Odiongan, huwag hayaan ang mga bata na maligo sa ilog sa gitna ng baha o isang bagyo para makaiwas sa mga ganitong pangyayari.