Magsisimula na ngayong Oktubre ang isasagawang balidasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Mimaropa ng mga naitalang pinakamahihirap sa rehiyon ayon sa Listahanan. Inaasahang matatapos ang aktibidab na ito sa limang probinsya ng Mimaropa sa darating na Disyembre.
Bilang mekanismo ng pamahalaan sa pagkalap ng lehitimong datos, ang Listahanan ay tutukuyin at kikilalanin kung sino at nasaan ang sambahayang nabibilang sa pinakamahirap sa bansa.
Matatandaan na taong 2019, base sa naging resulta ng 2019 Listahanan Household Assessment, umabot sa 590,205 na sambahayan ang naitala ng DSWD Mimaropa sa mga lalawigan ng Occidental at Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan.
Ang opisyal na anunsyo hinggil sa nasabing paunang listahan ay ipapalabas ng Kagawaran at ang mga ito’y ipapaskil sa barangay hall ng bawat barangay. Laman nito ang mga pangalan ng mga household head o puno ng pamilya na tinukoy bilang mahirap na sambahayan.
Ayon kay DSWD OIC Regional Director Purificacion Arriola, “isasagawa ang Listahanan validation activities ngayong Oktubre na inaasahang magtatapos sa buwan ng Disyembre kung saan ipapaskil ang paunang talaan ng mahihirap kada barangay”.
Samantala, bukas sa publiko ang talaan ng mga tinukoy na mahirap na sambahayan kaya’t ang naturang balidasyon ay magbibigay daan rin upang makapanayam ang mga sambahayang hindi napasama sa unang talaan at sa mga apela at pagsisiyasat kung tama at nabibilang ang nakalistang pangalan ng mga mahihirap.
Dagdag ni Arriola, “hinihikayat namin ang publiko na makibahagi at tingnan kung tama at kumpleto ang paunang talaan ng mga mahihirap”.
Ayon sa ahensya, isang araw kada barangay ang itatalaga sa pamamagitan ng community desk upang tanggapin ang mga tanong o reklamo alinsunod sa isinagawang Listahanan. Mahigpit rin na tagubilin ng DSWD ang pagdadala ng anumang katibayan ng pagkakilanlan o identification card sa mga nais magreklamo upang mapangalagaan ang kanilang personal na sensitibong impormasyon alinsunod sa Data Privacy Act of 2012. Maaari ring maghain ng reklamo o para sa iba pang mga katanungan gamit ang online link na Validation Search Application ng Listahanan sa online page ng Kagawaran.
Alinsunod nito, sabi ni Arriola, “ang mga reklamong matatanggap ay isasailalim sa masusing deliberasyon ng Barangay Verification Team o BVT at ng Local Verification Committee o LVC”.
Pangungunahan ng Barangay Verification Team na binubuo ng mga opisyal ng barangay at representante ng Civil Society Organization (CSO) ang pagsusuri sa mga datos na may kinalaman sa mga apela o reklamong natanggap ng ahensya. Ang Local Verification Committee naman, sa isang banda, na kinabibilangan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at representante ng CSO ang magbibigay ng resolusyon sa mga apela o reklamong inindorso ng barangay o BVT.
Bilang paglilinaw, binigyang-diin ni RD-OIC Arriola na ang mga sambahayang hindi nakapanayam noong kasagsagan ng pagbabahay-bahay ay kinakailangan ma-i sa pagsasagawa ng balidasyon. Ang mga reklamo ay ibabatay sa magiging desisyon ng BVT o LVC kung kinakailangang balikan o muling isailalam sa household assessment.
Hinihikayat naman ng opisyal ng ahensya ang publiko na magbigay ng kumpletong datos sa panahon ng pagtatala at isumbong ang mga iregularidad sa pagsasagawa ng pagsusuri gamit ang Listahanan textline number at ang opisyal na Facebook page ng ahensya. (Lisabelle Carpio/PIA)