LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Okt. 30 (PIA) — Naiproseso na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Mimaropa – Adoption Resource Referral Unit (ARRU), katuwang ang Child Caring Agencies (CCA) at mga lokal na pamahaalan sa rehiyong Mimaropa ang 15 bata upang mabigyan ng Certification Declaring a Child Legally Available for Adoption o mas kilala ngayon bilang CDCLAA.
Bilang legal na dokumento, ang CDCLAA ay pirmado ng Kalihim ng DSWD at isinasaad nito na ang isang bata ay maaari nang mai-proseso para sa legal na pag-aampon o legal adoption.
Ayon sa pahayag ni ARRU Focal Person Princess Vagilidad, hindi naging madali ang pagsasagawa ng proseso para sa mga kinakailangang dokumento dahil sa pandemya. “Pero patuloy tayong nagbigay ng kasiguraduhan na ang mga cases ng bata ay ating aksyunan through online transactions kung saan ang Filed Office at Central Office ay tumatanggap ng mga scanned documents upang hindi maantala ang kaso ng mga bata”, sambit pa pa ni Vagilidad.
Gamit ang video at phone conferences, patuloy na naisagawa ang mandato ng Kagawaran sa kabila ng mga limitasyon bunsod ng krisis sa pandemya. Nakapagbigay ang DSWD Mimaropa ng gabay sa mga pamilyang nais mag-ampon at para rin sa mga batang nangangailangan ng pamilyang mag-aaruga sa kanila.
Samantala, mayroon pang 42 bata na nasa pangangalaga ng Foster Care Placement ang sinusubaybayan ng ARRU. Alinsunod nito, nakapag-dagdag na ng apat na Foster Families na nagsisilbing pansamantalang pamilya ng mga batang nangangailangan ng kalinga. Sa kasalukuyan, 41 ang kabuuang bilang ng Foster Families sa buong Mimaropa.
Ani ni Vagilidad, “ang pag-develop ng regular adoptive and foster family ay isa sa pinaka-challenging na kinakaharap ng ARRU social workers sa ngayon subalit dahil sa dedication at commitment ng mga social workers, tayo ay nakapag-develop ng apat na regular foster parents at tatlong regular adoptive parents”.
Dagdag pa niya, “ito ay bunga ng mga online forums, orientation, advocacy campaigns at pagtataguyod ng technical assistance sa mga prospective adoptive parents at foster families”.
Sa pangunguna ng ARRU at sa pakikipagtulungan ng CCA at mga LGU’s, ang DSWD ay magpapatuloy sa kampanya nitong wakasan ang iligal na pag-aampon. Panawagan ni Vagilidad, “tayo po ay mayroong ligal at tamang proseso ng pag-aampon at pagpapa-ampon kung saan protektado ang mga batang nais ipa-ampon, mga mag-aampon at ang magulang na nais ipa-ampon ang kanilang anak”.
Pinapaalalahanan ng ahensya ang publiko na sumangguni lamang sa mga tanggapan ng DSWD upang mabigyan ng tamang gabay at serbisyo ukol sa pag-aampon. (Lisabelle Carpio/PIAMimaropa/Calapan)