Ibinida ni Looc Mayor Lisette Arboleda sa Network Briefing News ni PCOO Secretary Martin Andanar ang unti-unting pag bawi ng lokal na ekonomiya ng bayan ng Looc kasunod ng pag tanggal ng lockdown sa bayan dahil sa pandemya.
Aniya, sa pagtanggal umano ng lockdown, at pag-ease ng community quarantine ay unti-unti ng bumabawi ang ekonomiya ng bayan lalo na sa sektor ng agriculture at fisheries bagama’t nagkakaroon ng problema ang bayan dahil mababa ang purchasing power ng mga residente rito dahil maraming umanong mula ibang probinsya o lugar na nawalan ng trabaho ang mas piniling umuwi ng bayan.
Sinisiguro naman ng lokal na pamahalaan katuwang ang Department of Trade and Industry na nabibigyan nila ng ayuda ang mga kababayan nilang nawalan ng trabaho.
Nagpapatuloy rin umano ang mga infrastructure projects ng bayan ng Looc, Romblon sa kabila ng nararanasang pandemya sa bansa. Ito ang ibinida ni Mayor Lisette M. Arboleda nang makapanayam sa Network Briefing News ni PCOO Secretary Martin Andanar nitong Martes ng umaga.
Aniya, kabilang sa mga inaayos para magamit ng mga mamamayan ng Looc ay ang kanilang dry & wet market.
Samantala, pagdating naman sa sektor ng turismo, simula ng ipatupad ang modified general community quarantine sa bayan ng Romblon, binuksan na ng lokal na pamahalaan ng Looc, Romblon ang Looc Bay Refuge and Marine Sanctuary para sa mga local tourist.
Sa nasabing programa, nagpasalamat rin si Mayor Arboleda sa national government agencies gayun rin sa mga namumuno sa probinsya ng Romblon sa maagang pag responde sa Covid-19 pandemic.
Aniya, simula ng maglock-down hanggang sa ngayon ay zero covid-19 case ang naitatala sa kanilang bayan.
Nagpasalamat rin ito sa lahat ng barangay captains sa kanyang nasasakupan dahil sa pagsama-sama para masigurong hindi makakapasok sa bayan ang virus.