Isang locally stranded individual o LSI na umuwi ng bayan ng Calatrava, Romblon ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19), ayon sa Calatrava Rural Health Unit.
Kinumpirma ito sa Romblon News Network ni Dr. Rnato Menrige Jr.
Aniya, ang nasabing LSI ay dumating sa Calatrava sakay ng Starhorse Shipping Lines noong September 1 at pagkababa ng pantalan ay dumiretso sa Quarantine Facility sa Balogo Evacuation Center.
“Siya ay nagkaroon ng sintomas ng COVID-19 nuong unang gabi nya sa quarantine facility, at siya ay patuloy na minomonitor sa kanyang silid,” ayon kay Dr. Menrige.
Nagsasagawa na rin umano ng contact tracing ang lokal na pamahalaan ng Calatrava para matukoy ang mga nakalamuha ng nasabing LSI, at para makagawa agad ng karapat-dapat na hakbang sa mga ito.
“Pinapakiusapan ang lahat na maging mahinahon at sundin ang mga alituntunin na itanakda para maiwasan ang pagkalat ng COVID sa ating lugar,” pakiusap ni Menrige.
“Patuloy po natin na ipagdasal ang mabilis na paggaling ng mga nagkasakit ng COVID. Ipagdasal din po natin ang kaligtasan ng lahat lalo na ng ating mga frontliners sa panibagong hamon na kinakaharap,” dagdag pa nito.