Simula ngayong araw ay makakaranas na ng 24 oras na serbisyo ng kuryente ang 9 na barangay sa buong bayan ng Concepcion sa Sibale Island, Romblon hatid ng Romblon Electric Cooperative, Inc. (Romelco) at National Power Corporation (Napocor).
Pinangunahan nina Congressman Eleandro Madrona at Governor Jose Riano ang switch-on ceremony na ginanap sa municipal hall ng Concepcion kasama si Mayor Jun Fabreag at mga opisyal ng Romelco at Napocor.
Sa mensahe ng alkalde sa ginanap na seremonya, sinabi nito na magiging tatak sa lahat ng taga-Sibale ang araw na ito dahil sa wakas ay makakaranas na ang kanilang isla ng 24 oras na serbisyo ng kuryente na matagal na nilang inaasam.
Kung noon ay sa gabi lang nabubuksan ang kanilang mga TV, at iba pang appliances, ngayon ay kahit sa umaga na ay mabubuksan na nila ito.
Nagpasalamat rin ito sa lahat ng stakeholders na tumulong para maisakatuparan ang nasabing proyekto ng Romelco at Napocor sa kanilang isla.