Ngayong hindi na gaano kahigpit ang pagpapatupad ng community quarantine sa bayan ng Corcuera matapos ibaba sa modified general community quarantine ang status sa lugar, nagpatuloy muli ang mga aktibidad ng mga kabataan rito sa pangunguna ng Sangguniang Kabataan.
Nitong nakaraang buwan, inilunsad ng Sangguniang Kabataan ng Barangay San Roque sa pangunguna ni SK Chairman Alden Dy Fajilan ang QuaranTree Planting, isang programa na tutulong sa kalikasan sa gitna ng nararanasang pandemya.
Sa Network Briefing News ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar nitong Martes, sinabi ni SK Chairman Fajilan na hindi umano pwedeng isantabi ang pangangalaga sa kalikasan dahil lamang sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).
‘Yung Quarantree Planting, ‘di ba tayo ay nakaranas ng pandemya, hindi naman pwede na ‘yung ibang bagay ay atin na lamang isantabi. Kami, sa pakikipagugnayan ng SK members, ay nakapagtanim ng ilang puno na makakatulong sa atin sa pagpapayabong ng ating kalikasan,” ayon kay Fajilan.
Sa hiwalay na panamayam sa kanya ng Philippine Information Agency-Romblon nitong Martes, sinabi nito na aabot sa 60 hanggang 70 na mga puno ng niyog at mahogany ang kanilang naitanim noong Agosto at ngayong unang bahagi ng Setyembre sa Barangay San Roque at Barangay Colong-Colong.
Nakipagtulungan rin umano sila sa mga miyembro ng KKDAT o Kabataan Kontra Droga at Terorismo para sa nasabing programa.
Samantala, nanawagan naman si Fajilan sa mga kabataan na maging disiplinado at sumunod sa mga utos ng gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng Covid-19.
“Sa kapwa ko kabataan, isipin na lang natin na ang problema ito ay may solusyon. Maging disiplinado tayo palagi at sumunod sa mga health protocols na ibinababa ng ating gobyerno at pakikipagtulungan para sa ikakaayos ng lahat,” panawagan ni Fajilan.