Nahulog sa isang tulay ang isang motorsiklo ganun rin ang mga sakay nito matapos umanong mahagip ng sasakyan ng provincial government noong Biyernes sa Sitio Cabaliwan, Barangay Bachawan, San Agustin, Romblon.
Ayon sa ulat mula sa San Agustin Municipal Police Station, ang mga nakamotorsiklo na menor de edad ay patungo sanang San Agustin nang tumigil sa maliit na tulay sa Sitio Cabaliwan para sana bigyang daan ang sasakyan ng Provincial Gov’t ngunit bago pa man makalagpas ang sasakyan, nahagip nito ang backride dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver ng motor at mahulog sa tulay.
Agad naman sila tinulungan at inalalayan ng mga residente ng lugar habang ang nakaaksidenteng sasakyan ay dumiretso umano papalayo na parang walang nangyari.
Dinala sila sa Tablas District Hospital sa San Agustin at kalaunan ay inilipat sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan.
Nalaman nalang ng mga residente na pagmamay-ari ng provincial gov’t ang sasakyan matapos nila itong maplakahan at maisumbong sa mga tauhan ng San Agustin Municipal Police Station.
Kinilala ang driver ng sasakyan na si Alvin Fiestada, 32, residente ng Barangay Tulay.
Patuloy pang iniimbestigahan ang nasabing aksidente.