Magiging kaisa na ng Odiongan Municipal Police Station ang mga kabataan sa Odiongan sa pagsugpo ng iligal na droga at terorismo sa bayan.
Ito ay matapos pumirma kamakailan sa isang Memorandum of Agreement ang Odiongan Municipal Police Station, ang Sangguniang Kabataan ng Odiongan at ang Municipal SK Federation President at Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) Odiongan Chapter.
Sa maikling programa na ginanap sa Senior Citizen Building kung saa sila pumirma ng MOA, nangako ang mga lider ng KKDAT-Odiongan at SK Odiongan na magkakaisa sila para sa iba’t ibang programa para sa mga kabataan, isang paraan upang malayo sila sa iligal na droga at maiwasang mahikayat ng mga makakaliwang grupo.
Kabilang rito ang On-the-Spot Logo Making Contest at Outreach Activity sa Aurora Elem. School na magaganap sa buwan na ito.
Sumaksi sa nasabing pirmahan si Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic na sinabing susuportahan ang mga programa ng mga kabataan.
Sinabi rin ng alkalde na ang mga kabataan ay ay may malaking papel sa pagbuo ng kinabukasan ng mga nakababatang henerasyon lalo na sa panahong ito ng pandemya – pagtulong sa bawat isa at protektahan ang kabataan mula sa pinsala hindi lamang mula sa iligal na droga ngunit sa iba pang krimen pati na rin terorismo.
Pagkatapos nito, pormal na na-turn-over ng Municipal SK Federation of Odiongan ang mga IEC materials at isang (1) yunit ng laptop na ibinigay ng Dangerous Drugs Board sa KKDAT Odiongan Chapter upang magamit para sa mga programa ng SK at KKDAT.