Katulong ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ang ilang digital platforms para mas makilala sa ibang lugar ang mga produktong lokal na ginagawa sa bayan.
Sa ginanap na punong balitaan nitong Linggo kaugnay sa paglulunsad ng ‘Baligyaan sa Odiongan’, sinabi ni Mayor Trina Firmalo-Fabic na ang OTOP Hub (One Town, One Product) na matatagpuan sa bayan ng Odiongan ay starting point ng delivery couriers.
“Maliban sa naka-display ang mga produkto ng Odiongan at iba pang probinsya sa OTOP Hub, hindi lang ‘yung display mismo kundi marami pang mga interface, katulad nalang ng Odiongan E-Palengke, HungryBear, at Pabakay [sa Odiongan]. Pwedeng mag-order ng mga produkto rito sa kanila online, pwedeng ipadala sa Manila,” ayon sa alkalde.
Sinabi rin ng alkalde na hindi rin gaanong apektado ng coronavirus disease 2019 pandemic ang export industry ng bayan at ng probinsya dahil ang ilan umano sa mga nakakausap niya na nasa-food instustry ay patuloy na nakakatanggap ng mga orders mula sa iabang probinsya at bayan.
Sa parehong punong balitaan, sinabi rin ni SK Kaila Yap na ang pagkakaroon ng malawak na market ay makakatulong sa mga magsasaka ng bayan gayun rin sa mga manufacturers dahil madadagdagan ang demand ng kanilang mga produkto.