Upang mas masiguro na naipatutupad ang guidelines patungkol sa Prevention and Control of COVID-19 sa mga pribadong opisina at establisyemento, nagsagawa ng pagpupulong ang mga provincial offices ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Labor and Employment (DOLE) ng pagpupulong kasama ang lokal na pamahalaan ng Odiongan kamakailan.
Ayon sa DOLE-Romblon, ipinagutos ni DOLE MIMAROPA OIC Regional Director Albert E. Gutib sa lahat ng Field Offices na magsagawa ng koordinasyon sa LGU at sa DTI sa posibleng pagsasanib pwersa para mabantayan ang mga pribadong opisina at establisyemento sa lalawigan ng Romblon.
“Marahil ang mga karagdagang kasama mula sa gobyerno ay makakatulong sa kagawaran upang mapagtanto ang pangunahing layunin nito na tulungan ang mga establisimiyento sa pagsunod sa kanilang mga pagkukulang sa guidelines,” ayon kay Director Gutib.
Sa nasabing pagpupulong sinabi ni Provincial Director Carlo B. Villaflores ng DOLE-Romblon na kanilang sisiguraduhin na sa kanilang joint monitoring, ang lahat ng pribadong establisyemento sa Romblon ay magpapatupad na ng minimum health protocols sa kani-kanilang mga lugar.
Noong Miyerkules, ilang establisyemento na ang maliban sa facemasks ay nagre-require na rin ng faceshields kung sakaling papasok sa kanila.