Hindi lang sa vlogs, at sa pag-promote ng turismo ng Odiongan nakikilala ngayon ang Banayad Lifestyle ni Epzky Forcado kundi sa mga magaganda rin nitong naitutulong sa publiko.
Kamakailan, tumungo ang Banayad Lifestyle sa Progreso Weste Elementary School sa Barangay Progreso Weste, Odiongan, para mamigay ng aabot sa 110 pirasong tsinelas para sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang.
Kasabay nito ay ang paghahatid ng Odiongan Municipal Police Station ng kanilang programang Karunungan Kontra Kahirapan (KKK school-based project of Odiongan MPS) sa nabanggit na paaralan.
Sa maikling programa na ginanap sa paaralan, sinabi ni Forcado na ang mga kabataan ngayon ang tunay na pag-asa ng bayan at dapat sinusuportahan.
Naghanda din ng masarap na champorado ang Police Community Relations Team para sa mga dumalo na kung saan ito ay mainam na meryenda para sa maulan na panahon. Isang kahon ng coupon bond din ang iniabot ng Odiongan Municipal Police Station sa mga guro ng na personal na tinanggap ni Ginang Effie Fodulia na siyang Principal ng nasabing eskwelahan.
Nagkaroon din ng pulong-pulong patungkol sa kung paano makaiwas sa mga krimen lalong lalo na ang mga domestic violence. Kaugnay nito ay namigay din ng mga babasahin sa mga magulang patungkol sa RA 9262 (Anti-VAWC Law) at iba pang mga safety tips.
Nagpasalamat naman sa Banayad Lifestyle at sa Odiongan Municipal Police Station ang mga bata at kanilang mga magulang, gayun rin ang pamunuan ng Progreso Weste Elementary School, dahil sa naiabot nilang tulong para sa kanila. (AS/PJF/RNN)