Tuluyan ng natapos ang mahigit isang taong pagiging bakante ng pwesto ng Indigenous Peoples Mandatory Representative sa Sangguniang Bayan ng Odiongan matapos mahalal si Nicolas Ferranco bilang bagong IPMR ng bayan kamakailan, kapalit ni Lettie Magango na ngayon ay IPMR na sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon.
Nanumpa si Ferranco sa harap ni Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic noong ika-8 ng Setyembre bilang bagong representasyon ng katutubong Bantoanon at Ati sa Sangguniang Bayan.
Siya ay magiging kaisa at makakasama ng mga Sangguniang Bayan sa pagbabalangkas ng mga ordinansang ipapatupad sa pinakamaunlad nabayan sa lalawigan ng Romblon.
Kasabay ni Ferranco na nanumpa ang mga bagong IPMR naman ng Barangay Budiong sa katauhan ni Reynaldo Ferranco at ng Barangay Tuburan na si Tessie Famisan.
Tatlong taon silang uupo bilang mga Indigenous Peoples Mandatory Representative ng kani-kanilang mga nasasakupan na barangay.
Dumalo rin sa panunumpa ng tatlo sina Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Odiongan, mga Kapitan ng 17 na Barangay sa nabanggit na bayan, at mga nakaupo nang Barangay IPMRs.