Tinanggap ng nasa 200 magsasaka at mangingisda mula sa iba’t-ibang bayan ng Romblon ang pautang mula sa Expanded SURE Aid Program ng Department of Agriculture (DA) – Mimaropa.
Sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture – Agricultural Crop Policy Center (DA-ACPC) sa Arya Multi-purpose Cooperative, naipamahagi sa mga magsasaka ang pautang na nagkakahalaga ng P25,000.
Ang Expanded SURE Aid Loan o Survival and Recovery-Aid Loan ay programang pautang ng kagawaran upang makapagbigay ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda na makaahon sa kanilang kabuhayan. Sa pamamagitan ng pautang na walang interes o kolateral, ang ayudang pautang ay maaaring bayaran ng mga benepisyaryo sa loob ng sampung taon.
“Maraming salamat po sa DA at ACPC dahil sa natanggap naming pautang na walang interes, dahil dito ay madadagdagan ang aking kapital sa pagtatanim ko ng palay”.
Ang nasabing programa ay makakatulong sa mga benepisyaryo lalo ‘t ngayong may krisis sa kalusugan, upang mas palakasin ang mga magsasaka na magtanim pa para sa mas maraming ani at kahandaan ng pagkain para sa mga tao.
Ang SURE- Aid Loan ay ipinamahagi sa probinsya ng Romblon, alinsunod sa minimum health standards na ipinatutupad sa ilalim ng Modified General Community Quarantine. (Lisabelle Carpio/PIA-Mimaropa)