Parang basketball mga tropapips na sinupalpal ni President Mayor Digong Duterte sa mukha ang grupong humihirit ng revolutionary government o RevGov, matapos silang itatwa ng pangulo kahit ipinagmamalaki nilang sila ang nagkumbinsi sa dating alkalde ng Davao City na tumakbong pangulo noong 2016 elections.
Kahit seryosong usapin ang RevGov, kengkoy at nagpapatawa ang tingin ng marami sa grupo na nagpakilalang MRRD-NECC o Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee. Mantakin mong inimbitahan pa nila ang mga matataas na opisyal ng militar at kapulisan para sa plano nilang rebolusyonaryong gobyerno.
Sa tawag pa lang na “revolutionary government,” ibig sabihin eh may pag-aaklas na dapat gawin para palitan ang isang liderato. Ang gusto ng MRRD-NECC, aba’y irerebolusyon ni President Mayor Digong ang kaniyang sariling gobyerno, at pagkatapos eh siya rin ang uupong lider. Aba’y bakit pa niya guguluhin ang sarili niyang gobyerno lalo na ngayon na masakit na ang ulo niya sa problemang idinulot ng made in China na COVID-19 pandemic.
Ang gusto ng MRRD-NECC, talikuran ni President Mayor Digong ang kasalukuyang Saligang Batas na sinumpaan niyang poprotektahan, at bumuo ng bago kung saan pinapayagan na ang pagpapalit sa sistema ng gobyerno na parlamentaryo. Dahil may kasamang pag-amyenda sa Saligang Batas ang kanilang RevGov, nadagdagan pa ng pagdududa sa kanilang pakay—NoEl o no election sa 2022.
Pero sabi sa mga ulat, ang plano raw ng MRRD-NECC, eh dapat matapos ang mga pagbabago sa Konstitusyon pagsapit ng Disyembre 31, 2021 at tuloy daw ang eleksiyon sa 2022 sa ilalim na ng sistemang parlamentaryo. Kaya lang, kung ikaw na nasa kapangyarihan o humahawak ng posisyon, hahayaan mo pa bang magkaroon kaagad ng eleksiyon na puwede kang mapalitan? Aba’y siyempre konting gulang.
Dapat tandaan na ang eleksiyon sa May 2022 eh nakasaad sa 1987 Constitution, kung magtatagumpay ang RevGov na ibasura ang naturang Saligang Batas, ibig sabihin eh puwede na rin balewalain ang naturang halalan at magtatakda sila ng panibagong petsa na maaaring sa 2023 o sa 2024 kaya? o puwede rin nilang sabihin na mag-appoint na muna ng transition panel sa parliamentary government at sa 2025 na lang ang halalan?
Ang problema nito, batid naman natin ang edad ni President Mayor Digong at ilang beses na rin niyang sinasabi na gusto niyang ma-enjoy na lang ang buhay niya; huwag naman sana pero papaano kung magkaroon siya ng malubhang sakit? Sino ang magiging lider kung magkatotoo ang RevGov, at alisin nila sa “pila” ang bise presidente sa mga dapat humalili sa puwesto kung hindi na kayang gampanan ng pangulo ang kaniyang tungkulin?
Baka may magsabi na bakit si dating Pangulong Cory Aquino eh nagdeklara ng RevGov noong maupo siya sa puwesto noong 1986? Aba’y iba ang sitwasyon noon mga tropapips dahil bagaman sinasabing si Cory ang tunay na nananalo sa ginanap na snap elections, nagmatigas pa rin ang nakaupong si dating Pangulong Ferdinand Marcos at iginiit na siya ang nanalo kaya nagkaroon ng EDSA People Power revolution na nagpatalsik kay Marcos sa puwesto.
At nang magdeklara si Cory ng RevGov, mistulang pinalitan niya ang nakaupong rehimeng Marcos, at binago ang 1973 Constitution, na noong panahon ni Marcos eh maraming pinalitang probisyon para mapayagan na paulit-ulit siyang makatakbong pangulo kaya tumagal siya sa Palasyo ng 20 taon.
Pero mga tropapips, hindi si Cory ang nagdikta ng mga probisyon sa 1973 na pinalitan kung hindi ang mga deligadong umupo sa ConCon o Constitutional Convention, at pina-aprubahan ito sa mga tao sa pamamagitan ng ratipikasyon sa halalan. Kaya hindi dapat ihalintulad sa sitwasyon ni Cory ang inaambisyong RevGov ngayon.
At ngayong nagsalita na si President Mayor Digong na hindi niya alam at kilala ang mga nasa likod ng MRRD-NECC, kahit nabalita minsan na dumalo siya sa isang pagtitipon noon ng grupo, aba’y itigil na ang mga hirit na RevGov. Bukod sa wala sa timing dahil may problema ng pandemya, mas gusto ng mga tao ang halalan para makaganti sila sa mga palpak na opisyal.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)