Parang eksena sa pelikula mga tropapips na pagod na pagod na ang mga bida dahil sa dami ng mga kalaban na hindi maubos-ubos. Tapos may panibagong malaking problema dahil may paparating pang mga bagong puwersa ng mga kontrabida.
Sa tunay na buhay, ang mga bida siyempre eh tayong mga tao [lalo na ang mga medical frontliner] na pagod na pagod na pakikipaglaban sa made in China virus na COVID-19. Limang buwan kasi mula nang unang magkaroon ng kaso nito sa Pilipinas, aba’y tila wala pa tayong natatanaw na liwanag ika nga sa dulo ng tunnel kung kailan ito matatapos.
Mas literal na pagod na pagod na sa laban ang mga health workers natin lalo na ngayon na sinasabing marami nang mga ospital ang malapit na o halos naabot na ang bed capacity para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID. Maging ang ilang isolation o quarantine facility sa ilang lugar na pinagdadalhan ng mga mild lang ang tama ng virus eh sinasabing dumadami na rin ang laman.
Ang mga health workers natin, bukod sa pagod dahil marami sa kanila ang posibleng wala nang uwian at wala nang palitan sa pagtutok sa mga pasyente, posibleng pagod din ang isip dahil sa pangamba na baka mahawahan sila o maiuwi nila sa kanilang mga pamilya ang virus. Kaya dapat mabigyan sila ng sapat na suporta, hindi lang sa mga gamit tulad ng PPEs, kung hindi maging sa moral support at panalangin.
At utang na loob, ibigay ang dapat na kompensasyon para sa kanila– agad-agad at buo. Huwag na sanang pag-interesan pang pitikin dahil sila ang tunay na frontliner sa paglaban sa COVID.
Habang nagpapakamatay ang mga medical frontliner sa pagsagip sa mga pasyente, sana naman ay mag-isip ng matinong estratihiya ang mga nasa posisyon kung papaano hindi na kakalat ang virus. Kung minsan, “common sense” na siguro ang pairalin at wala nang kung anu-ano pang litanya.
Alam naman siguro ng mga opisyal na maipapasa ang virus kapag magkakasama ang mga tao kaya huwag nang hayaan na magsiksikan ang mga tao sa isang lugar tulad ng ginawa sa mga LSI o locally stranded individual.
Malamang maraming lokal na opisyal sa mga lalawigan at kanilang mga kababayan na kakaba-kaba kapag nalaman nilang galing sa Metro Manila ang taong darating sa kanilang lugar. Huwag rin munang luwagan ang mga establisiyemto na peligroso sa hawahan kung ang pakay lang eh kumita ang negosyo para makakuha ng buwis.
At habang patuloy pa ang laban sa COVID-19, dapat paghandaan din mga tropapips ang dengue virus ngayong panahon na ng tag-ulan. Bagaman naging magandang balita na halos 50 porsiyento ang ibinaba ng dengue cases sa unang anim na buwan ng 2020 kumpara sa katulad na panahon noong 2019, aba’y hindi tayo dapat na magpakampante.
Malaking sakit ng ulo at maraming buhay ang kinuha ng dengue virus noong 2019 kaya nga nagdeklara pa noon ng epidemya ang bansa. Marami rin ospital ang napuno noon dahil sa mga pasyenteng nadale ng dengue at kabi-kabila ang panawagan ng blood donation para maisalba ang buhay ng mga pasyente.
Dahil sa kinaharap na problema ng Pilipinas noong 2019 sa dengue, nangangamba ang isang opisyal ng World Mosquito Program (WMP) sa maaaring mangyayari sa bansa sakaling maulit ang dami ng dengue cases ngayong taon. Mantakin mong puno na ang mga ospital dahil sa mga COVID cases tapos dadagsa pa ang dengue cases? Aba’y “perfect storm” daw ang kakaharapin natin.
Kaya ang mga walang ginagawa sa bahay dahil lockdown, itigil na muna ang pagluluto, pagti-Tiktok o paglantak ng inorder na pagkain, at simulan na ang paglilinis ng paligid. Alisin ang mga posibleng pag-itlugan ng mga lamok. Sabi nga sa dengue campaign ng DOH, 4S: 1) Search and destroy mosquito breeding sites; 2) Secure self-protection;3) Seek early consultation; at 4) Support fogging/spraying to prevent an impending outbreak.
Gaya sa pelikula, sana kahit pagod na pagod na ang mga bida sa sobrang dami ng kalaban, sa huli eh tayo pa rin ang mananalo. At kung kailangan na may malagas o magbuwis ng buhay sa mga bida, sana eh iyon na lang mga mahilig magpabida.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)