Inggit na inggit mga tropapips kay Health Secretary Francisco Duque III ang mga kurimaw natin na naghalungkat muli ng kanilang quarantine pass dahil ubod daw ng buwenas at hindi man lang nasasabon ng Palasyo kahit sangkaterba na raw ang sabit sa pagtugon sa krisis sa COVID-19.
Gaya na lang daw sa naging apela ng mga grupo ng medical health frontliners na bigyan sila “timeout” sa paglaban nila sa COVID-19 dahil sa sobrang pagod [pisikal at mental] sa pagharap sa made in China na virus. Mantakin nyo nga naman, papasok na tayo sa ikalimang buwan sa paharap sa virus pero sa halip na mabawasan, aba’y parami pa nang parami.
Sa ibang mga bansa, nakaramdam muna sila ng bahagyang pagbaba ng bilang ng kanilang COVID cases kaya niluwagan nila ang restriction at nagbukas ng mga negosyo at pasyalan, pero ang nangyari sa iba, tumaas na naman ang kanilang kaso. Pero sa Pilipinas, walang nangyaring pagbaba ng kaso pero niluwagan ang restriction, nagbukas ng mga negosyo—eh di lalong dumami ang kaso.
Sa sobrang pagod na ng mga medical frontliner, nanawagan sila sa pamahalaan na ibalik muna sa mas mahigit na enhanced community quarantine ang Metro Manila. Sa totoo lang, hindi naman talaga mapapahinga nito ang mga frontliners pero mababawasan lang muna ang pagdagsa ng mga posibleng bagong kaso ng mahahawahan.
Bagaman hindi ECQ ang ibinigay sa kanila ni President Mayor Digong Duterte, pinayagan naman ang bahagyang mas mahigpit na modified enhanced community quarantine o MECQ. Iyon nga lang, may mga manggagawa na hindi na naman makakakayod. Pero ang kapalit nito, sabi ng isang eksperto, nasa 50,000 hanggang 70,000 ang posibleng mabawas sa kanilang projection o pagtaya sa dami ng mga magkaka-COVID pagsapit ng katapusan ng Agosto.
Kaya kung nasa mahigit 200,000 ang projection nila ng mga magiging COVID positive sa katapusan ng Agosto, maaaring maging 150,000 na lang ito. Malaking tulong na rin sa mga frontliners natin dahil kahit papaano eh mabawasan ang mga pasyente na kanilang aasikasuhin, lalo na iyong mga kritikal o malala ang tama ng virus.
Ngunit sa halip na si Duque ang masabon kung bakit umabot sa pagrereklamo ang mga medical frontliners at tila nasubok ika nga ang malasakit ng pamahalaan para sa mga “sundalong nakaputi,” aba’y absuwelto uli siya. Ang malungkot nito, ang grupo pa ng mga frontliners ang naputukan at tila pinagdudahan ang katapatan na magsilbi sa mga pasyenteng may COVID.
Hirit ng ilan nating kurimaw, kung tutuusin daw eh hindi naman na bago ang idinadaing ng mga frontliners dahil sa kakulangan ng natatanggap nilang suporta sa pamahalaan tulad ng mga gamit o PPEs. Gusto nilang mabigyan ng dagdag na proteksiyon ang mga medical frontliners tulad sa pagpapa-COVID test na dapat lang naman.
Ang problema, nakakalimang buwan na nga sa giyera sa COVID pero tila walang pagbabago sa estratihiya, o kung mayroon man, hindi yata tama ang mga kumpas. At dapat bang ihambing ang Pilipinas sa Amerika, na kahit mayamang bansa raw eh aligaga ngayon sa dami ng COVID positive? Ibig bang sabihin okey lang na malunod tayo sa COVID basta katulad natin ang mga kano?
Sabi ng isa pa nating kurimaw, papaano raw kaya kung may magkumpara sa Pilipinas na bakit may ibang bansa na kalapit natin sa Asya na nagawang maibaba ang kanilang kaso ng COVID kahit hindi naman mayamang bansa na katulad natin? Kung tutuusin, ilan sa mga dahilan kung bakit nangamote ang US sa COVID eh dahil minaliit ng kanilang pangulo ang banta ng virus. Katunayan, ayaw pa noon ng pangulo nila na magsuot ng face mask.
Bukod doon, maraming pasaway sa kanila na ayaw magpatupad ng lockdown. Kabi-kabila pa ang rally sa kanila na hindi nagpatupad ng social distance. May mga estado rin na maagang nagbukas ng mga negosyo at pasyalan. Sounds familiar ba?
Ngayon paatras tayo ay muling nagpatupad ng MECQ [at huwag naman sanang umabot sa ECQ] para pagbigyan ang hiling na timeout ng mga medical workers, dapat gamitin din itong pagkakataon ng mga opisyal na nangunguna sa laban sa COVID-19 na pag-aralan ang game plan. Ang tanong: Sino nga ba ang coach sa laban na ito na gumagawa ng game plan? Si Duque pa rin ba? Aba’y good luck sa atin mga tropapips.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)