Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o Covid-19 ang isang Authorized Persons Outside of Residence (APOR) na umuwi sa Romblon, Romblon kamakailan nang wala umanong koordinasyon.
Sa ulat ng Romblon Rural Health Unit, ang nasabing APOR ay dumating sa Romblon kahapon ng umaga sakay ng Starhorse X1 ngunit habang kinakausap ng mga bantay sa pantalan, napagalaman na ang APOR ay may dalang lab result na siya ay nagpositibo sa Covid-19 noong ika-1 ng Agosto.
Kasalukuyang naka-isolate ang nasabing APOR.
“Ang buong facility [kung saan ang APOR] ay nakalocked down at binabantayan na ng mga kapulisan mula pa kahapon. Ang RHU ay nagsasagawa na ng contact tracing,” ayon sa Romblon RHU.
Pinaalalahanan ng mga otoridad ang mga nakasabay ng nasabing APOR sa pag-uwi sa Romblon na makipag-ugnayan sa kanilang mga Rural Health Unit upang mas mapabilis ang contact tracing.