Iginawad ng Department of Labor and Employment (DOLE) Mimaropa ang halagang isang milyon piso sa Lokal na Pamahalaan ng Sta. Maria (LGU Sta.Maria) sa lalawigan ng Romblon bilang Accredited Co-Partner (ACP) ng Kagawaran sa pagtatatag ng proyektong produksiyon ng mantika mula sa niyog ng Sta. Maria Coconut Farmers and Processing Association (SMCFPA).
Ang SMCFPA na itinatag ng 77 magsasaka mula sa bayan ng Sta. Maria ay naisip gumawa ng mga highly valued products mula sa niyog bilang ang bayan ay may malawak na sakahan nito at dahil na rin sa malaking kontribusyon sa probinsya ng Romblon at marahil sa buong rehiyong Mimaropa.
Upang mapalago pa ang produksiyon ng asosasyon sa mas malaking negosyo, lumapit ang samahan sa tanggapan ng DOLE Romblon Field Office para sa tulong pinansiyal. Sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), nagbigay ang DOLE ng pinansiyal na tulong sa Sta. Maria Coconut Farmers and Processing Association (SMCFPA). Ang naturang tulong ay magbibigay daan upang palakasin ang operasyon ng samahan at makapagdagdag ng mga bagong kagamitan.
“Binabati ko ang mga miyembro at opisyal ng SMCFPA bilang unang tagapaggawa ng mantika mula sa langis ng niyog sa lalawigan ng Romblon. Kami sa ahensya ay nagdarasal para sa inyong tagumpay na hindi lamang makakatulong sa mga miyembro upang madagdagan ang mapagkukunan ng kanilang kabuhayan kundi pati na rin upang kilalanin ang Sta. Maria bilang tagapagprodyus ng langis ng niyog sa lalawigan at kalaunan ay sa iba pang lalawigan sa rehiyon. Narito lamang ang DOLE at ang iba pang ahensya ng gobyerno upang tumulong na maisakatuparan ang inyong pangarap”, ayon kay Provincial Director Carlo B. Villaflores, bilang kinatawan ni DOLE Regional Director Albert E. Gutib.
Samantala sa nakaraang seremonya, nagbigay ang Department of Science and Technology (DOST) ng kagamitang pangproseso sa asosasyon at nangakong patuloy na tutulong gamit ang mga tuntunin ng teknolohiya sa paggawa ng dekalidad na langis ng niyog na gamit sa pagluluto.
Ang Lokal na Pamahalaan ng Sta. Maria ay magbibigay rin ng istrakturang pasilidad sa samahan upang maisaayos ang seguridad ng mga gamit, materyales at makinarya ng asosasyon. Bilang serbisyo ng Accredited Co-Partner (ACP), ang koneksiyon ng kuryente ay ginagarantiya rin upang mapatakbo ang mga makinarya.
Ayon kay German Villostas, Pangulo ng SMCFPA, “sampu ng aking miyembro ng SMCFPA, lubos kaming nagpapasalamat sa DOLE, DOST at LGU sa tulong na ibinigay sa amin. Makakaasa po kayo na pagyayamanin at pahahalagahan namin ang tiwala at tulong na ipinagkaloob sa aming grupo. Malaking tulong po ito sa amin lalo’t higit sa mga magsasaka na magkarooon ng dagdag na pagkakakitaan kapag nag-umpisa na ang aming pagawaan ng mantika”.
Ang asosasyon ay patuloy na naghahanap ng pinansiyal na tulong mula sa iba pang ahensya para gamitin sa pagpapahusay ng mga kasanayan ng mga miyembro at karagdagang kapital.
Ang programa ng DOLE na Integrated Livelihood Program (DILP) o Kabuhayan ay itinuturing na mahalagang istratehiya upang palakasin at suportahan ang mga manggagawa ng impormal na sektor sa pagbuo ng mga negosyong maunlad sa komunidad. (Lisabelle Carpio/PIAMimaropa/Calapan)