Sa muling pagkakataon ay inurong ng pamunuan ng Romblon State University (RSU) ang pagsisimula ng pasukan ngayong taon.
Inanunsyo ito nitong hapon ng Biyernes sa opisyal na Facebook page ng pamantasan.
Sa halip na September 1, gagawin nalang September 14 ang pagbubukas ng klase sa pamantasan.
Kasabay ng pag-urong ng pagbubukas ng klase ay pag-urong rin sa nakatakda sanang virtual orientation ngayong araw para sa mga mag-aaral ng RSU.
Sa nasabing virtual orientation, tuturuan sana ang mga estudyante ng mga makabagong pamamaraan na gagamitin ng pamantasan ngayong pasukan, kagaya ng mga modules, at mga virtual classrooms kagaya ng Zoom at Google Meet.
Samantala, nanawagan naman ang isang student leader sa pamunuan ng RSU na maging eksakto umano sa pagbibigay ng tamang petsa sa pagbubukas ng klase dahil marami umanong mga estudyante ang bumiyahe patungo ng Odiongan nitong nakalipas na mga araw dahil sa pag-aakalang magsisimula na ang klase sa September 1.
“I humbly ask po the good office of our University President to be transparent po sana in informing us, students, kung kaylan po ba talaga ang fix date ng pasukan, kasi himdi naman po biro ang pamasahe ngayon sa mga pampulikong sasakyan, doble po ang bayad. Maging ang pagkain po ng mga mag aaral na ito ay magastos din po,” pahayag ni Kelly Madeja.
“Tulad ng mga kakilala ko na dumating na rin ngayon mula sa Romblon Romblon, na mga engineering students, uuwi na lang din bukas kasi naurong nga po ang pasukan. So doble po ang gastos, mahirap po lalot nasa panahon po tayo ng pandemya,” dagdag pa nito.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang pamunuan ng pamantasan kaugnay rito.