Ilan sa mga bagong graduate ng senior high school ang pinili mag-aral sa probinsiya ng Romblon at kumuha ng available courses upang maituloy ang kanilang pag-aaral.
Sa isang panayam, inilahad ng estudyanteng si Emmanuel na mag-aaral sana siya ng kursong Psychology matapos ipasa ang college entrance test sa University of the East ngunit sa pagtaas umano ng matrikula, napagdesisyunan nitong mag-aral na lamang sa bayan ng Romblon. Gayundin ang kurso na kukunin sana ni Fatima kung nakahanap pa ito ng paaralang mapapasukan. Sa halip, pinili na lang nito mag-aral ng English sa Romblon State Universty.
Si Joshua na sana’y kukuha ng Architecture sa Technological Institute of the Philippines ay hindi kampante sa Internet speed kung kaya’t nag-Civil Engineering ito sa RSU. Mag-eexam naman ang estudyanteng si Mikee nang maudlot ang plano nito dahil sa pagpapatupad ng lockdown sa Maynila nitong Marso. Sa halip na Accountancy ang kunin, Business Administration na lamang ang ipinalit nito.
Dahil sa pandemic, ang nagiging basehan ng mga estudyante sa pagpili ng courses ay ang lapit at safety ng paaralan imbes na ang dikta ng kanilang puso at kakayahan ng utak,” paliwanag ni Dr. Ruel Virgil Adriguez na isang career guidance expert. Mahalaga umano ang pagkakaroon ng second choice dahil ito ay “isang mental preparation upang makaiwas sa frustration o disappointment na dala ng ‘di makuhang kagustuhan.”
No choice
Samantala, magbibiyahe sana ang estudyanteng si Carlo upang mag-apply sa mga unibersidad sa Maynila ngunit naantala ang trabaho ng tiyahin nitong subcontractor na magpapaaral sana sa kanya at dahil sa banta ng COVID-19 hindi na ito pinayagan ng kanyang lola kaya napilitan itong kumuha ng kursong Secondary Education. Tinanggap naman ni Ezekiel ang pagkakwalipika sa kursong Agricultural Engineering kahit hindi ito ang kanyang interes. Nacut-off umano ito dahil sa kanyang entrance test score. Ang dalawa ay kapwa nagbabalak kumuha ng Civil Engineering.
Shift sa second sem. Hit the grade requirements of the course and pass the retention exam if there is any,” abiso ni Adriguez. Dagdag pa niya, “This is not a normal time. There is no deadline for success. Your dreams can wait. Kung ngayon andito ka sa Romblon, enjoy it para mafeel mo na normal lang ang buhay. When this pandemic ends, pursue your dreams. The benefit is, ‘di nasayang ang oras mo compared sa kung sa bahay ka lang at di nag-enrol. The moment you transfer to your desired course, you now have more edge than your classmates dahil may additional training ka.”
Sa buong probinsiya, dalawa ang institusyon na nagbibigay ng post-secondary education. Ito ang Romblon State University at Erhard Systems Technological Institute, Inc. Tuloy pa rin sa pagtanggap ng mga freshman at transferee ang mga naturang paaralan. Kapansin-pansin ang pataas na enrollment rate kumpara sa huling taon.
Hamon sa ‘new normal’
Sa kabila ng implikasyon, may mga estudyante pa rin na patuloy na mag-aaral sa pamamagitan ng remote learning tulad ni Jacob na incoming 1st year sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Ikinababahala nito ang pahirapang connection at kung may matututunan ba ito lalo na’t mayroong laboratory subjects ang kurso nitong Electronics and Communications Engineering sa unang semestre.
Si Anya, bagamat nakapag-online class na kumakailan lang sa University of Santo Tomas ay may agam-agam pa rin sa signal at kalidad ng edukasyon. “Kahuga mag-adjust from physical learning tapos magiging virtual tanan lalo na sa iba nga course[s] na kailangan ning face-to-face interaction para sa pagdemonstrate ng mga kailangan himuon and at the same time ang resources ng students,” giit pa ng alumnus na mag-aaral naman ng Business Administration sa nasabing paaralan.
[Translation: Mahirap mag-adjust from physical learning tapos magiging virtual lahat lalo na sa ibang courses na kailangan ay face-to-face interaction para sa pagdemonstrate ng mga kailangan gawin and at the same time ang resources ng students]
Maraming organisasyon, magulang at estudyante ang nananawagan ng academic freeze hangga’t wala pang bakuna subalit patuloy ang Commission of Higher Education sa pagtaguyod ng flexible learning. Sa kasalukuyan, tinitingnan pa ng ahensiya sa Enero ang posibleng pagbubukas ng limited in-person classes sa low-risk MGCQ areas gaya ng Romblon.