Pansamantala munang ipinasara ng Department of Environment and Natural Resources – Provincial Environment and Natural Resources Office (DENR-PENRO) ang Tabok o Dingli Cave sa Barangay Mat-i, Santa Fe, Romblon matapos makitaan ang ilang stalagmite at stalactite ng sulat kamay ng mga taong bumibisita rito.
Sa pagbisita ng DENR-PENRO sa lugar, nakita nila na madaming bandalismo sa mga bato papasok ng kweba.
Ayon kay Engr. Raymond Inocencio, layunin umano ng ahensya at ng barangay local government unit ng Mat-i na mapangalagaan ang natural na ganda ng kweba.
Ang pagpapasara sa nasabing kweba para sa publiko ay alinsunod sa Republic Act 9072 o ang Cave Act of 2001 na nagsasabing bawal ang kusang pagwasak, paggambala, pagdungi, pagsira, pagbago, pagtanggal o pagpinsala ng mga depositong mineral ng anumang kweba.
Ang mapapatunayang lalabag sa nasabing batas ay posibleng makulong ng 2 hanggang 6 na taon at magmulta ng P20,000 hanggang P500,000.