Kinasuhan kaninang umaga ng kasong murder sa Provincial Prosecutor’s Office ang ilang di umanoy suspek sa pagpatay kay Sangguniang Panlalawigan member Robert Maulion noong ika-27 ng Hunyo.
Mismong ang anak ni SP Maulion na si Atty. Rynbert Anthony, ang naghain ng kasong murder laban kina Prince Cedric Mendez, Shannen Amber Lim, at sa dalawang hindi nakikilalang tao o John Doe. Ang dalawang kinilala ay ang mga unang tao rin na nakadiskobre sa walang buhay na board member.
Samantala, sinampahan rin ng kasong paglabag sa P.D. 1829 o Obstruction of (Apprehension and) Prosecution of Criminal Offenders sina Sangguniang Panlalawigan member Rhosarean “Nene” Solis, Lian Erin Lim, at Krissia Mallari.
Si SP Solis kasama si Lian Erin Lim ay kinasuhan rin ng paglabag sa R.A. 10175 o paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Maalalang si Maulion ay natagpuang patay at tadtad ng saksak sa kanyang tinitirhang building sa Barangay Tabin-Dagat, bayan ng Odiongan, Romblon noong ika-27 ng Hulyo.
Patuloy na sinisikap ng Romblon News Network na makuha ang pahayag ng mga nabanggit.