Iginawad ng Department of Labor and Employment (DOLE) Mimaropa sa pamamagitan ng Romblon Field Office ang mga tseke sa mga barangay Local Government Units (LGUs) sa bayan ng Concepcion, Romblon para sa emergency employment program.
Ito ay sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD). Ang kabuuang halagang P1.505 milyon na kumakatawan sa sahod ng mga manggagawa ay ibinigay sa siyam na mga barangay ng Concepcion bilang Accredited Co-Partner ng DOLE sa pagpapatupad ng TUPAD.
Ang TUPAD as isa sa mga serbisyo ng Kagawaran na sumusuportang mabawasan ang masamang epekto ng corona virus disease o COVID-19 pandemya sa manggagawa mula sa pribadong sektor.
Isa sa malaking hamon sa DOLE Mimaropa ay ang magbigay ng programa at serbisyo sa mga residenteng naninirahan sa mga munisipalidad na nasa isla sa rehiyon tulad ng Concepcion, Romblon dahil sa malakas na alon sa karagatan bunsod ng panahon ng tag-ulan.
“Sa kabila ng hamon na ito, dapat nating maabot at maglingkod sa mga kwalipikadong benepisyaryo lalo na sa mga pinakamalayo at mga isla na munisipyo at barangay sa rehiyon dahil higit sa lahat sila ang mas nangangailangan ng serbisyo ngayong panahong may krisis sa kalusugan”, bigay diin ni DOLE RD Albert E. Gutib.
Dagdag ni Diector Gutib, “ang ating rehiyong ay nahahati sa mga lalawigan at isla ngunit ang ahensya ay determinado na makapag-abot ng tulong lalo na sa mga manggagawang higit na nangangailangan ngayong may krisis”.
Suportado ng Kagawaran sa pamumuno ni RD Gutib ang mga programang makakabawas sa kahirapan ng mga manggagawa at patuloy na makipag-tulungan sa mga Local Government Units (LGUs) at iba pang stakeholder para sa kapakanan ng mga mamamayan sa Mimaropa. Ang bawat benepisyaryong Sibalenhon ay tumanggap ng P3,200 matapos ang sampung araw na trabaho sa barangay na kinabibilangan. Mga gawaing tulad ng pagdidisimpekta, pag-repack at pamamahagi ng mga relief goods ang kanilang trinabaho sa kanilang komunidad. Ang naging pasahod sa benepisyaryo ay ibinatay sa umiiral na minimum wage.
”Lubos akong nagpapasalamat dahil nakapagtrabaho po ako sa ilalim ng TUPAD na malaking kapakinabangan din po sa aming barangay dahil nalinis ang aming lugar, malaking tulong po ito sa amin lalo na sa panahon po ngayon”, ayon kay Rolando S. Familaran, benepisyaryo ng TUPAD.
Ang TUPAD ay isang community-based package ng Kagawaran na nagbibigay ng panandaling tulong na trabaho upang mabawasan ang epekto ng kalamidad, sakuna at pandemya sa mga manggagawa sa impormal na sector. (Lisabelle Carpio/PIA-Mimaropa)