Inaresto ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) sa isang hot pursuit operation ang dalawang lalaking nakunan ng larawan at video na kumakatay sa aso nitong Miyerkules ng hapon sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Kinilala ng Odiongan MPS ang mga suspek na sina Johnny Factor, at Vivincio Patnon Jr.
Ayon sa pulisya, bandang 3:30 ng hapon ng makatanggap sila ng sumbong mula sa anak ni Factor na di umano ay kumakatay ng aso ang kanyang ama na si Johnny sa likod ng kanilang bahay.
Agad namang inimbestigahan ng pulisya at ng Municipal Agriculture Office ang sumbong at pagdating nila sa bahay ni Factor, bumungad sa kanila ang dalawang chop-chop na aso.
Sa pagsisiyasat lumalabas na madalas umanong nagkakatay ng aso ang dalawang suspek at pagkaluto rito ay ibebenta.
Nakakulong na ngayon ang dalawa at mahaharap sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act.
Bago pa maaresto ang dalawa, nag trending na sa social media ang litrato ng dalawa at kinundena na ng iba’t ibang animal rights group kabilang na ang Strategic Power for Animal Respondents – Philippines.