Lima nanamang katao ang naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police sa bayan ng Magdiwang, Romblon dahil sa iligal na pagmimina nitong Miyerkules, ika-12 ng Agosto.
Kinilala ang mga naaresto na sina Mark Gil Robea, Dave Rodaje, Ferdinand Merida, Jerome Callastre, at John Callastre, pawang mga residente ng Barangay Ipil.
Nakatakas naman ang ibang kasama ng lima.
Ayon sa pulisya, naaktuhan umano nila ang mga suspek na naghuhukay ng lupa sa Sitio Pisi sa Brgy. Ipil nang walang kaukulang permiso.
Nakuha sa mga suspek ang gamit pang mina katulad ng bull mill, electric motor, center pulley, at iba pa.
Nakakulong na ngayon ang lima at mahaharap sa kasong paglabag sa Section 102 ng Republic Act 7942 o ang Philippine Mining Act of 1995.
Patuloy naman na hinanapa ng mga kapulisan ang mga kasamahan ng lima kabilang ang isang suspek na kinilala lamang sa pangalang alyas ‘Akot’.