Habang marami sa ating mga tropapips ang laging alisto kapag lumalabas ng bahay para hindi makapag-uwi ng pesteng made in China virus na COVID-19, dapat din tayong maging alisto at talasan natin ang ating pakiramdam pagdating sa emosyon ng mga kasamahan natin sa bahay bago maging huli ang lahat.
Dahil sa perwisyong idinulot ng COVID-19, marami sa ating mga kababayan ang nakararanas ng depresyon at axiety o labas na pag-aalala. Tulad na lang ng mga nawalan na o inabisuhan nang mawawalan ng trabaho, at hindi nila alam kung ano ang mangyayari sa kanila sa hinaharap.
Habang tumatagal ang community quarantine (may ECQ, may GCQ, may MECQ at MGCQ), patuloy na dumadami ang mga kababayan natin na nawawalan ng hanapbuhay. Batay nga sa isang survey, record-high o lubhang marami ang mga Pinoy na naniniwalang hindi magiging maganda ang buhay nila sa darating na mga buwan.
Hindi nakapagtataka ang mataas na bilang ng mga nawawalan ng kompiyansa sa kanilang hinaharap dahil nga sa dami ng mga negosyong nagsara dahil nalugi o nagbabawas ng mga tauhan para makaraos. Kahit nga ang mga jeepney driver, nagmamakaawa nang payagan silang makapasada para kumita at susundin nila ang health at safety protocols.
Kung tutuusin, hindi lang siguro ang kumita ang layunin ng mga driver kaya gusto nilang pumasada na kahit kalahati lang ng kapasidad ng jeep ang kanilang maisasakay. Nais din marahil ng mga driver na makapagtrabaho na at maipakita sa kanilang pamilya ang silbi nila bilang padre de pamilya. Mas gusto nilang magbanat ng buto kaysa mamalimos ng ayuda.
Nitong mga nakaraang buwan mula nang ipatupad ang lockdown, sinasabing dumami ang mga tumatawag sa mga hotline o helpline para sa mga taong nakararanas ng depresyon at anxiety. Maganda kung tumatawag sila dahil kahit papaano ay nakakatanggap sila ng propesyonal na payo at mapigilan kung may pinaplano man sila sa kanilang sarili na hindi maganda.
Pero papaano yung mga nakararanasan ng depresyon o pagkabalisa na hindi alam na may mga helpline o hotline pala silang puwedeng tawagan? Papaano na?
Kaya importante mga tropapips na maging mapagmatyag din at pakiramdaman ang ating mga kasama sa bahay. Sabi ng isa nating kurimaw na nakaranas ng ganitong sitwasyon sa kanilang pamilya, hindi madaling makita sa isang tao na nakararanas ng depresyon o anxiety na magsalita at maglabas ng saloobin tungkol sa kaniyang pinagdadaanan. Kung minsan nga raw ay nagiging palangiti pa ito at biglang sasaya, iyon pala ay nais lang niyang pasayahin ang sarili sa kaniyang mga huling sandali.
Kung minsan ay puwede rin daw makitang tahimik at malalim ang iniisip ng taong nakararanas ng matinding kalungkutan na kinikimkim sa loob. Mas madalas na nakahiga lang na para bang nais matulog nang wala nang gisingan. May pagkakataon din na kung minsan ay lagi niyang hawak o tinitingnan ang isang bagay na plano na pala niyang gamitin para wakasan ang buhay tulad ng lupid.
abi pa ng ating kurimaw, kung hindi naman dating malambing ang kasama sa bahay at biglang magiging malambing at humingi ng tawad sa kasalanan na hindi mo na matandaan, aba’y kabahan ka na. Puwede rin daw na bigla itong maghahabilin na parang aalis pero hindi sasabihin kung saan pupunta at ngingiti na lang. Mabuti raw na i-heart-to-heart talk mo siya at bantayan.
Sadyang malaking perwisyo mga tropapips ang idinulot ng pandemyang COVID-19, at hindi lang sa ating mga Pinoy nagkaroon ng pagtaas ng alerto tungkol sa depresyon at anxiety kung hindi maging sa ibang bansa rin. Kahit nga ang ilang artista eh aminado na nakaranas din sila ng depresyon at matinding pag-aalala dahil ilang buwan ding natigil ang kanilang trabaho. Aba’y paaano pa kaya ang mga kababayan nating dalawang kahig at isang tuka? Pero kung susuko tayo, paano ang mga taong nagmamahal sa atin na iiwan nating labis na masasaktan.
Tandaan na lilipas din ang pandemyang ito kaya kapit lang. Ang mahalaga ay manatiling buhay para manatiling may pag-asa. Kung may matinding pinagdadaanan, maiging maghanap ng makakausap. Kung nahihiya, narito ang ilan sa mga helpline o crisis hotline na maaaring tawagan ay +63917 899-USAP (8727) / +632 79898727/ 7-989-USAP. Puwede rin sa Hopeline na 0918-873-4673, 0917-558-4673, at (02) 8804-4673.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)