Sa isang facebook post nitong Sabado ng gabi, ibinulgar ni Cajidiocan Sangguniang bayan member Marvin Greggy Ramos na may ilang sangay ng Gobyerno sa ilang bayan sa Romblon ang di umano ay ayaw magpapasok ng mga taga-Sibuyan.
Ito ay kasunod ng halos sunod-sunod na pag positibo sa coronavirus disease 2019 ng ilang mga umuwing locally stranded individual (LSI) sa Sibuyan Island nitong makalipas na mga araw at linggo.
Sinabi ni Ramos na nakatanggap siya ng balita na may mga kababayan umano siya sa Sibuyan na nakakaranas ng discrimination pag dating sa mga karatig isla gaya ng Tablas.
“Isa pa pong pagpapahirap hindi lang po sa ating mga kababayan pati na rin sa ating mga Munisipyo ang tila ba dagdag requirements po na bago ka muna makapasok ng mga bayan nila or government agency ay dapat pong naka rapid test ka muna. Ang iba naming mga kababayan ay hindi nalang natutuloy sa paglakad ng kanilang mga dokumento dahil sa dagdag bayarin at gastusin sa pagpapatest upang makarating man lang sa mga karatig bayan natin,” pahayag ni Ramos.
Maliban sa ilang gov’t facility, may ilang hotel at tricycle drivers rin umano ang iniiwasan ang mga taga-Sibuyan.
“May mga kababayan din ako na napilitan na matulog sa mga freedom parks ng ibang mga bayan sapagkat hindi daw po pinayagan maka check in sa mga hotel sapagkat sila ay taga Sibuyan,” dagdag na pahayag ni Ramos.
Dahil dito, nanawagan si Ramos na sana ay huwag silang katakutan, pagbawalan mag transact sa mga opisina, bawal maka enjoy ng mga govt facility sa kadahilanan lang po na kami ay taga Sibuyan.
Dagdag nito, may mga health protocols naman umanong sinusunod para maiwasan ang Covid-19 katulad ng pag suot ng mask, Social and Physical Distancing, pag check ng temparature gamit ng thermal scanner, pag lalagay ng alcohol sa kamay bago pumasok ng mga opisina at pag fill up ng health declaration form para po matiyak ang mga datus at kaligtasan ng ating mga Bayan at Lalawigan.
“Wala pong masamang mag ingat lalo na po sa panahon ng pandemya, ngunit ang pag didiscriminate sa mga kapwa ko Sibuyanon ay hindi makakatulong sa sitwayon kundi magdudulot lang ng kalungkotan at hindi magandang karanasan,” pahayag nito.
“Ako po, bilang inyong kaibigan, ay humihingi po ng pag unawa po sa inyo para po sa mga Kapwa ko Sibuyanon na nakakaranas ng discrimination at maaring makaranas din sa mga susunod na pagkakataon,” dagdag pa ni Ramos.