Magpapatuloy ang pagtanggap ng lalawigan ng Romblon sa mga locally stranded individuals (LSIs) at returning overseas Filipino (ROF) hanggat hindi nagkakaroon ng tugon ang Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) on Emerging Infectious Diseases sa hiling ni Governor Jose Riano na pansamantala munang itigil ito ng 14 na araw.
Sa memorandum circular na inilabas ng Gobernador nitong ika-13 ng Hunyo, pinaalalahanan niya ang lahat ng mayor at iba pang concerned agencies na tuloy ang probinsya sa pagpapauwi sa mga LSIs at ROFs alinsunod sa Executive Order No. 62 na ibinaba niya.
Aniya, hindi napagdesisyunan ng RIATF ang kanyang hiling kaya ito ay ipinadala sa National Inter-Agency Task Force para sa kanilang konsiderasyon.
Matatandaang sinabi ni Riano na ang hiling na pansamantalang pagpapatigil sa pagpapauwi sa mga LSI at ROF ay mismong ang mga alkalde ng 17 na munisipyo sa lalawigan ang humiling sa kanya dahil sa dagsa na ang umuuwi na LSI at ROFs sa probinsya kaya nahihirapan na ang pagpapatupad ng health protocols sa mga isolation centers.
Ang nasabing kahilingan ay kasunod sa pagpositibo sa Covid-19 ng isang LSI sa bayan ng San Fernando noong nakraang linggo.