Nanatiling Covid-19 free ang napakagandang isla ng Simara Island, Romblon, marahil dahil ito sa mahigpit na pagbabantay sa pumapasok sa pantalan at sa mga coastal area ng iba’t ibang barangay sa bayan ng Corcuera.
Sa panayam ng Romblon News Network nitong Linggo kay SB Lowie Fetalvero, committee chairman ng Peace and Order and Public Safety ng Sangguniang Bayan, sinabi nito na mahigpit ang ipinatutupad na screening sa mga pumapasok na locally stranded individuals (LSI), at mga authorized person outside residence o APOR sa isla.
Pagdating sa isla ng mga LSIs at APORs, sila ay kinukunan ng temperature at kinukuhaan ng kompletong detalye bago dalhin sa kani-kanilang mga barangay kung saan sila mananatili para sa 14-day quarantine. Mahigpit na binabantayan ang mga LSI para masigurong hindi sila susuway sa health protocol na ipinatutupad ng bayan.
Sinabi rin ni Fetalvero na patuloy ang pagtutulungan ng opisina ni Mayor Elmer Fruelda at Vice Mayor Apple Fabilla para makabuo ng mga ordinansa at mga tuntunin na makakatulong sa mga residente lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Kabilang rito ang isinusulong na curfew ordinance sa isla para masigurong walang tao sa labas ng bahay tuwing gabi kung walang importanteng gagawin.