Nakunan ng larawan nitong gabi ng Lunes, July 20, sa bayan ng Odiongan, Romblon ang pagdaan at paglapit ng Comet NEOWISE sa mundo.
Ang nasabing larawan ay nakunan ni Leogiver Mañosca, isang guro sa Odiongan, Romblon at kasalukuyang vice president ng Philipine Astronomical Society, gamit ang kanyang smartphone.
Kwento ni Mañosca, halos isang linggo na siyang gabi-gabing nag-aabang sa nasabing kometa at sa unang pagkakataon ay nasaksihan niya ito ngayong gabi.
“Nagawa kong makita ito! Ako ay tulad ng isang bata na tumatalon sa labis na pagkasabik nang ipakita ng kometa ang malabo nitong core at mahabang buntot. Nakakatuwa dahil naging saksi ako sa mahabang paglalakbay ng kometa na ito sa paligid ng araw,” pahayag ni Mañosca sa Romblon News Network.
Gamit lamang ang isang application at ang smartphone ni Mañosca ay nakunan niya ang nasabing kometa.
Payo ni Mañosca sa mga skywatchers, na magandang abangan ito paglubog ng araw, dahil inaasahang habang lumalayo ito sa araw ay mas lalo itong didilim.