Pansamantala munang hindi tatanggap ang bayan ng Odiongan ng mga uuwing locally stranded individuals o LSI simula ngayong linggo hanggang sa katapusan ng buwan ng Hulyo.
Batay sa ulat ng Romblon Sun, napagkasunduan umano ng lokal na pamahalaan ng Odiongan at ng mga Barangay Chairman na pansamantala munang ipatigil ang pagtanggap ng mga LSI upang bigyang daan ang paghahanda ng Department of Education sa pagbabalik ng klase sa susunod na buwan.
Sa ginanap na pagpupulong noong Martes kung saan dumalo si Odiongan mayor Trina Fabic, at ang mga barangay officials, nasabi ng alkalde na nakipag-ugnayan na siya sa Provincial Inter Agency Task Force tungkol sa pansamantalang pagsuspendi ng pagbiyahe ng mga LSIs gayun pa man may kapangyarihan naman umano ang mga alkalde na ipagpaliban ang pagpasok ng mga LSIs sa kanyang nasasakupan.
Sinabi rin ng alkalde sa nasabing pagpupulong na pagpatak ng ika-1 ng Agosto ay muling tatanggap ang Odiongan ng mga LSi ngunit sa halip sa dalhin ang mga ito sa mga paaralan sa kanilang barangay, sila ay tutuloy na sa isang building sa Odiongan National High School na inilaan para sa kanila.