Pormal ng pinasinayaan ang ika-73 na Malasakit Center sa buong Pilipinas na matatagpuan sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan, Romblon nitong Martes.
Pinangunahan mismo ni Senator Christopher ‘Bong’ Go ang tinawag nilang virtual launching sa Malasakit Center sa lalawigan na naglalayong tulungan ang mga mahihirap na pasyente sa mga pampublikong ospital.
Ang malasakit center ay magsisilbing one-stop-shop sa mga nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno na may kaugnayan sa kalusugan.
Maliban rin umano sa P5,000,000 na check na ibibigay ng gobyerno sa Malasakit Center, dadagdagan rin umano ito ng karagdagang programa P5,000,000 na pondo para sa isang programa umano para sa mga indigent patients ng probinsya.
Nagpasalamat rin si Senator Go sa mga doctor, nurses, at mga health workers sa probinsya na patuloy na lumalaban sa sakit na Covid-19, aniya, malapit na umano itong matapos at kaya umanong lampasan ng Pilipinas ang krises na ito.
Kwento ni Senator Go, nagsimula ang programang ito sa Cebu kung saan sa isang kwarto sa ospital ay nariyan na ang PCSO (Philippine Charity Sweepstakes Office), Philhealth (Philippine Health Insurance Corporation), DSWD (Department of Social Welfare and Development), at DOH (Department of Health).
“Mag-aambag po sila [PCSO, Philhealth, DSWD, at DOH] para po…ang target nito ay zero billing sa mga kababayan natin. Bakit natin papahirapan ang ating mga kababayan,” ayon kay Go.
Dagdag pa nito, kung noon ay umaabot ng ilang araw ang isang tao para makahingi ng tulong sa mga gobyerno ngayon umano ay babaguhin ito ng Malasakit Center.
Ang virtual launching ng Malasakit Center sa Romblon ay dinaluhan rin nina Presidential Assistant for the Visayas Sec. Michael Lloyd Dino, Governor Jose “Otik” Riano, at mga Sangguniang Panlalawigan ng Romblon.