Isa nanamang locally stranded individual (LSI) na umuwi ng Sibuyan Island, Romblon ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o Covid-19, ayon sa anunsyo ng Magdiwang Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ngayong gabi.
Ang nasabing LSI ay umuwi noong July 16 sa Magdiwang, Romblon at sumalang sa swab test noong Miyerkules.
Kasalukuyang naka-isolate ang nasabing LSI sa isang quarantine facility sa loob ng Ipil Elementary School. Siya umano ay isang asymptomatic o hindi kinakitaan ng anumang simtomas ng COVID habang siya ay patuloy na minomotor sa kanyang silid.
Nagsasagawa na umano ng contact tracing ang lokal na pamahalaan ng Magdiwang para matukoy ang mga nakasalamuha ng nasabing LSI.
“Ipinarating narin ang balitang ito sa magulang ng ating kababayang LSI. Nabigyan na din ng abiso ang mga kasama niya sa bahay habang siya ay nasa Maynila,” ayon sa anunsyo ng Magdiwang MDRRMO.
Pakiusap ng otoridad, maging mahinahon ang publiko at ugaliing sumunod sa mga health protocols na itinakda ng Department of Health (DOH).