Sabayang muling inilunsad sa iba’t ibang munisipyo sa Romblon nitong Lunes, July 13, ang Disiplina Muna National Advocacy Campaign ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Pinangunahan ito ng Philippine National Police sa pamamagitan ng Romblon Police Provincail Office at iba’t ibang lokal na pamahalaan sa probinsya.
Sa bayan ng Odiongan, mismong si Mayor Trina Firmalo-Fabic ang nanguna sa nasabing re-launching na ginanap sa Office of the Seniors Citizen Affairs Building kasama ang Odiongan Municipal Police Station, Romblon Provincial Mobile Force Company, at Municipal Local Government Operations Office.
Ang Disiplina Muna Advocacy Program ay naglalayong palawigin ang kultura ng disiplina sa mga Filipino sa pamamagitan ng maayos na partisipasyon at pamamahala.
Ayon kay Police Captain Manuel Fernandez Jr., hepe ng Odiongan Municipal Police Station, naglalayon rin ang programa na mapatindi ang kamalayan at responsiblidad ng mga Pilipino para sa paglago ng bansa.
Sa mensahe naman ni Mayor Trina Firmalo-Fabic ng Odiongan, hiniling nito na sa mga dumalo na ang “Disiplina” ay dapat magsimula sa loob ng kanilang mga tahanan. Mariin rin nitong pinaalala sa publiko na ang #DisiplinaMuna ay higit na isabuhay lalo na ngayong nasa panahong tayo ng pandemya ng Covid-19.
Natapos ang programa sa panunumpa at paglagda ng Disiplina Muna Pledge sa pangunguna ni MLGOO Syrna Flor B. Erpilua.